SONA 2013: Administration at opposition senators, tukoy na



Created on Monday, 22 July 2013

Natukoy na ang mga senador na mapapabilang sa hanay ng administrasyon at oposiyon sa Senado bago pa man magbukas ang sesyon ng 16th Congress ngayong araw.

Nabatid sa siyam sa mga nanalong senador sa senatorial elections noong Mayo ay mula sa hanay ng administrasyon.

Dahil dito, posibleng  makuha ng administasyon ang liderato ng Senado kung saan si Sen. Franklin Drilon ang napipisil na magiging Senate president.

Maaalalang si Drilon ang tumayong campaign manager ng team P-Noy sa nakaraang halalan.

Kabilang sa administration senators na nanalo sa naturang halalan ay sina Sonny Angara, Bam Aquino, Alan Peter Cayetano, Francis Escudero, Loren Legarda, Grace Poe-Llamanzares, Aquilino Pimentel III, Antonio Trillanes IV, at Cynthia Villar.

Habang kabilang sa mga incumbent senators na kaalyado ng administrasyon ay sina Drilon, Pia Cayetano, Teofisto Guingona III, Lito Lapid, Ferdinand Marcos, Jr., Serge Osmeña III, Ralph Recto, at Miriam Defensor-Santiago.

Inaasahang magmumula sa hanay ng United Nationalist Alliance (UNA) ang mga magiging miyembro ng oposisyon kinabibilangan nina dating Senate President Juan Ponce Enrile, acting Senate President Jinggoy Estrada, Tito Sotto, Gringo Honasan, Nancy Binay, at JV Ejercito.

Sinasabing aanib din sa oposisyon si Sen. Ramon "Bong Revilla Jr.

Nauna nang sinabi ni Enrile na magiging “constructive opposition” sila sa 16th Congress sa oras na makuha ng administration senators ang liderato ng Senado. (PTV News)

comments powered by Disqus



Daily Weather