PNoy tutol sa pagbuwag ng ‘pork barrel’



Created on Saturday, 03 August 2013

Nagpahayag si Pangulong Benigno Aquino III nang hindi pagsang-ayon sa panukala ng ilang mambabatas na unti-unting pagbuwag sa priority development assistance fund (PDAF) or mas kilala bilang pork barrel.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, may tiwala ang Pangulo sa PDAF bilang paraan ng mga mambabatas para matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan at maiparating ito sa national government.

"Ang trabaho kasi ng national government really is to look at the marco concerns. 'Yung local po sa kanila (mambabatas) 'yung mga micro concerns. And sino ho ba 'yung nasa posisyon para malaman kung ano ho 'yung essential doon sa community?" ayon kay Valte. 

Nagbigay halimbawa rin si Valte sa karanasan ni Pangulong Aquino noong kongresista pa ito kung saan naiparating nito sa national government ang mga pangangailangan ng kanyang constituents sa Tarlac sa tulong na rin ng PDAF.

"Ang sinabi niya (PNoy) it is really the share of the constituents in the budget, 'yung PDAF po. So technically, ang trabaho po ng isang legislator ay to bring to the attention of the national government 'yung mga concerns na hindi po napapansin on the national level ngunit kailangan ng distrito o kaya ng bayan o ng munisipyo na hindi ho kayang pondohan ng local government unit," dagdag pa ni Valte. 

Uminit ang usapin sa pagbuwag ng pork barrel matapos mabunyag na ginamit umano ang mahigit P10-bilyong pork barrel na nakalaan sa mga mambabatas sa mga pekeng non-governmental organization.

Nauna nang maghain ng panukalang batas si Sen. Miriam Defensor-Santiago na unti-unting bawasan ang pork barrel ng mga mambabatas taun-taon hanggang sa tuluyan na itong mawala pagdating ng 2016.

 

Suportado rin ng ilang senador tulad nina Sen. President Franklin Drilon, Majority Leader Sen. Alan Peter Cayetano, at Minority Leader Sen. Juan Ponce Enrile ang tuluyang pagbuwag sa pork barrel. (PTV News)

comments powered by Disqus



Daily Weather