Pagsuko ni Napoles, susi para malaman ang katotohanan sa pork barrel scam --- Palasyo



Created on Thursday, 29 August 2013

Itinuturing ng Palasyo na susi si Janet Lim-Napoles para malaman ang katotohanan sa anomalya sa pork barrel.

Boluntaryong sumuko si Napoles sa Pangulo sa pamamagitan ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda.

Ayon kay Lacierda, kalahating oras nanatili sa Palasyo ang grupo ni Napoles pero 10 minuto lamang silang nagharap ng Pangulo.

Iisa lamang ang naging paksa – ang seguridad ni napoles.

Ayon rin kay Lacierda, nagdesisyon ang Pangulong pumunta na rin sa Camp Crame kung saan dadalhin si Napoles para na rin matiyak ang kanyang seguridad.

Sa ginawang ito ng Pangulo, tumugon ang Palasyo sa bintang na pagbibigay ng special treatment kay Napoles.

Ayon kay Lacierda, hindi naman ito ang unang beses na may boluntaryong sumuko sa isang Pangulo.

Ginawa na rin ito sa panunungkulan nina dating Pangulong Manuel Quezon, Elpidio Quirino at Ramon Magsaysay.

Ngayong nasa mga otoridad na si Napoles, sinabi ni Lacierda na wala na sa kanila kundi nasa korte na ang desisyon kung karapat-dapat na gawin syang state witness.

Nasa Senado na rin aniya ang desisyon kung ipapatawag si Napoles sa imbestigasyon ng Blue Ribbon committee.

Samantala, tuloy pa rin ang mga imbestigasyon sa paggamit ng priority development assistance fund (PDAF) kabilang na ang ginagawa ng Inter-agency Anti-graft Coordinating Council (IAGCC).

Muling binigyang diin ng Palasyo na isasantabi ang pagiging kaalyado sa Pangulo at ebidensya ang paiiralin. (Elena Luna, PTV News)

comments powered by Disqus



Daily Weather