Karagdagang ₱25 bilyon na pondong inilaan ng gobyerno para ipambili ng bakuna, para sa “young population”, ayon kay National Task Force (NTF) chief implementer Sec. Carlito Galvez.
Sa isang panayam, nilinaw ni Galvez na ang pondo ay para sa pagbabakuna ng mga kabataan, ngayong aprubado na ng Food and Drug Administration (FDA) na mabakunahan ang mga edad 12 hanggang 17 anyos gamit ang Pfizer vaccine.
Sa Pilipinas, tinatayang nasa 29 milyon ang kabuuang populasyon ng mga kabataan.
Kaugnay nito, kakailanganin ng pamahalaan ng 60 milyon doses ng bakuna para sa young population.
“Sinasabi po ng mga eksperto na hindi ma-e-eliminate ang COVID-19 disease kung hindi fully vaccinated ang all population,” saad ni Galvez.
Dagdag pa nito, hindi aniya mabubuksan ang mga eskwelahan kung hindi mababakunahan ang mga estudyante.
Ngayong buwan, inaasahan ang pagdating ng 11,058,000 doses ng bakuna, habang nasa 12 milyon doses ng bakuna naman ang darating sa buwan ng Hulyo at 17 milyon para sa Agosto.
Umabot na sa 218,000 doses ang daily average nitong Hunyo 8, sa kabila ng pagiging limitado ng suplay ng mga bakuna. – Ulat ni Patrick de Jesus / CF-rir