Makati PIO PR
Umabot na sa 100 percent ang enrollment sa public schools ng Makati mula elementary hanggang senior high school para sa school year 2020-2021, ayon kay Mayor Abby Binay.
Ipinahayag ng alkalde ang kagalakan sa iniulat sa kanyang umabot na sa 77,339 mag-aaral ang nakapa-enrol nitong July 22, na mas mataas sa bilang na 76,599 noong 2019, batay sa ulat ng DepEd-Makati. Aniya, patunay lamang ito na ganadong-ganado at nasasabik ang mga mag-aaral na patuloy na matuto.
TIniyak naman ni Mayor Abby sa mga kabataang Makatizen na buong-buo ang suporta ng pamahalaang lungsod sa kanilang patuloy na edukasyon sa gitna ng pandemya.
Sa ulat kay Mayor Abby, kinumpirma ni Schools Division Superintendent Carleen Sedilla na nakapagrehistro na ang 77,339 mag-aaral sa elementary, junior high school at senior high school. Kabilang dito ang mga nasa kinder at Special Education o SPED class. Inaasahang tataas pa ang nasabing bilang dahil hindi pa kasama dito ang tinatayang 2,000 enrollees sa Alternative Learning Education System (ALS), at 5,000 naman sa Higher School ng UMak (HSU), na kasalukuyan pang kino-consolidate, paliwanag ni Sedilla.
Nilinaw niyang nananatiling bukas ang enrollment sa Makati public schools hanggang August 24, 2020 upang makahabol pa ang late enrollees.
Nauna rito, namahagi si Mayor Abby ng mga laptop sa mga guro ng Makati High School. Kasama sila sa mahigit 2,500 na guro sa mga public school na bibigyan ng bagong laptop at libreng limang oras na internet load araw-araw. Libreng internet load at iba pang gamit pang-eskwela naman ang ibibigay ng Makati sa mga mag-aaral nito.