Binuksan ang dalawang sinehan sa isang shopping mall sa San Juan bilang karagdagang vaccination sites para sa Priority Group A4 o essential workers.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, aabot na sa 50,000 indibidwal na nasa Priority Group A4 ang nagparehistro sa lungsod. Sisimulan na aniya nila ang pagbabakuna sa mga empleyado oras na pumayag na ang gobyerno.
Sabi ng alkalde, maituturing na “symbolic” ang pagbabakuna sa naturang mall.
Matatandaang naging ground zero noon ang lungsod, matapos maitala ang unang COVID local transmission mula sa residenteng pumunta sa Muslim prayer hall sa Greenhills shopping mall.
“Whether you live here or a resident of other cities working here in San Juan, kayo po ay aming babakunahan,” ani Zamora.
Ang pangunahing vaccination site sa San Juan ay ang Filoil Flying V Center. Sa ngayon, nasa 28,000 na ang nabakunahan sa lungsod o 33% ng 70% target population.
Inilabas naman ni Zamora ang isang kautusang humihikayat sa mga establisyimento na pabakunahan ang kanilang mga empleyado. Ang mga negosyong may bakunadong tauhan ay mabibigyan ng safety seal.
Bukod dito, naglabas rin ang alkalde ng isa pang kautusan na humihikayat na magbigay ng diskwento ang mga negosyo sa mga bakunadong customer.
“Ang intention po niyan ay hikayatin ang pagbabalik ng ating mga mamimili sa ating commercial establishments,” ani Zamora. – Ulat ni Cleizl Pardilla/AG-rir
Panoorin ang ulat ni Cleizl Pardilla: