Tatlong eksperto mula sa Ministry of Health ng Israel ang dumating sa bansa nitong Linggo (Hunyo 20) upang magbahagi ng kanilang kaalaman ukol sa COVID-19 response at vaccination program ng gobyerno.
Sinalubong ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. ang mga delegado na sina Avraham Ben Zaken, Adam Segal, at Dafna Segol sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Ayon kay Galvez, nais matuto ng Pilipinas mula sa matagumpay na vaccine rollout ng Israel.
Ang Israel ay isa sa mga bansa sa buong mundo na may mabilis at matagumpay na COVID-19 vaccination program.
Sa pinakahuling datos, 57% na ng populasyon ng Israel ang fully vaccinated, kaya’t kontrolado na ng bansa ang mga kaso ng COVID-19.
“Their arrival in the Philippines will help us fine-tune our vaccination roll-out. We want to learn from the best practices being implemented in Israel and, hopefully, replicate and use them in crafting our country’s policies,” saad ni Galvez.
Kabilang sa mga pag-uusapan ng mga eksperto sa consultation meeting ay ang rollout ng mga bakuna sa bansa at mga paraan upang mapigilan ang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Inaasahang dadalawin ng mga eksperto ang ilang vaccination sites sa bansa at makikipagpulong din sila sa top medical experts ng bansa.
Mamamalagi ang mga Israeli medical experts sa bansa mula Hunyo 20 hanggang 25. – Ulat ni Daniel Manalastas / CF- jlo