Nasa 75% ng mga residenteng apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region ang nabigyan na ng ayuda.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya sa Laging Handa public briefing nitong Lunes (Mayo 3), mas mabilis at sistematiko na ang ginagawang pamamahagi ng ayuda ng mga lokal na pamahalaan ngayon.
Aniya, ₱8.4 billion na ang naipamahagi, kung saan ang Caloocan City ang nangunguna sa 96% ng mga residente nito ang nabigyan na ng tulong.
Sumunod naman ang Quezon City, Mandaluyong City, Navotas, Manila, Pateros, at San Juan City.
“Kami po ay very confident na bago matapos ang aming deadline which is on May 15, ay matatapos ang pamimigay ng ayuda sa mga benepisyaryo sa NCR Plus bubble,” ani Malaya.
Ang NCR Plus ay binubuo ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.
Ulat ni Bea Bernardo/NGS-jlo