Arestado ang siyam na indibidwal matapos mabisto ng lokal na pamahalaan ng Antipolo City ang pamemeke ng mga ito sa kanilang appointment para sa pagbabakuna.
Ayon sa isang Facebook post ni Antipolo City Mayor Andrea Ynares noong Biyernes (Hulyo 2), nagtangka ang mga ito na magpabakuna sa dalawang mall vaccination sites ng lungsod.
Aniya, nagpakita ang mga ito ng text messages na mula umano sa vaccination team na nagsasabing sila ay nakatakda nang mabakunahan sa araw na iyon, ngunit ang mga pangalan nila ay hindi lumabas sa listahan ng mga rehistradong indibidwal na maaaring magpabakuna.
Bukod dito, hindi pag-aari ng Antipolo Vaccination Operation Center ang numerong ipinakita ng mga ito.
Ayon kay Antipolo City Public Information Office Chief Relly Bernardo, inanyayahan ang mga ito sa presinto kung saan inamin ng siyam na indibidwal ang kanilang ginawang panloloko o text fraud. Aniya, hindi itinuloy ng lokal na pamahalaan ang pagsasampa ng kaso sa mga ito.
Pansamantalang itinigil ng lungsod ng Antipolo ang pagbibigay ng bakuna sa mga walk-in at mga residenteng nakatakdang mabigyan sana ng first dose ng COVID-19 vaccine, dahil hindi pa dumarating ang karagdagang supply ng bakuna mula sa Department of Health. – Ulat ni Rod Lagusad / CF – jlo