
SAN MIGUEL, Bulacan, Okt.12 (PIA) — Binuhay ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang programang pabahay para sa mga kasundaluhan at mga kapulisan matapos ang pitong taong pagkabalam.
Kaya naman bilang hudyat ng muling pagsisimula ng proyekto, pinangunahan ng Pangulo ang groundbreaking ceremony ng konstruksyon ng inisyal na 1,000 Duplex Type Housing Units para sa mga kawal na kabilang sa Scout Rangers elite group ng Philippine Army.
Ayon kay National Housing Authority o NHA Bulacan Manager Ramon Paragas, may floor area ito na 42 square meters na mas malaki kaysa sa 24 square meters sa mga itinayong pabahay sa mga bayan ng Bocaue, Bustos, at Pandi na kinubkob kamakailan ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o KADAMAY.
Nagsisimula sa halagang Php 550,000 ang halaga ng bawat isang yunit na ekslusibo para sa mga Scout Rangers.
Kapag natapos ang gagawing pabahay sa Disyembre 2018, alinsunod sa utos ni Pangulong Duterte, agad na matitirahan ito ng mga benepisyaryong sundalo dahil bukod sa gagawing istraktura ng bahay, lalagyan na ito ng color roof, cement painting, at may tiles na.
Tiniyak naman ni NHA General Manager Marcelino Escalada Jr. na magiging sulit ang ibabayad ng mga Scout Rangers dito dahil dinesenyo ang lugar ng pabahay na malapit sa kabayanan at sa mga kampo.
Taong 2010 pa inilunsad ng administrasyon ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang nasabing pabahay para sa mga Scout Rangers.
Ngunit matapos ang ginawang land development sa may 50 ektaryang lupa kung saan inayos ang mga kanal, sinemento ang mga kalsada at ipinagpatayo ng mga tangke ng tubig, hindi natayuan ng mga bahay at nanatiling nakatiwangwang.
Bukod sa Scout Ranger Ville na nasa mga barangay ng Calumpang, Tartaro at Sibul sa bayan ng San Miguel, itatayo rin ang mga pabahay sa kasundaluhan at kapulisan sa Loakan Heights sa Baguio City, Christine Villas sa Barangay Upper Hinaplanon, Iligan City sa Lanao del Sur; Vista Alegre sa Bacolod City, Negros Occidental; Woods Towne sa San Fernando, La Union; Casa San Miguel sa Burot, Tarlac City; Ciudad de Dahican sa Mati City, Davao Oriental; Lantaw Homes sa Tugbok, Davao City; Cabaluay Place sa Zamboanga City; at sa Talomo sa Davao City. (CLJD/SFV-PIA 3)