Nagsumite na ang Office of the Court Administrator (OCA) ng report kaugnay ng mga naipalabas na search warrant noong araw na nangyari ang pamamaril sa mga aktibista sa Calabarzon.
Ayon sa OCA, 63 na aplikasyon ng search warrant ang natanggap ng Manila Regional Trial Court. Sa bilang na ito, 42 lamang ang naaprubahan ng huwes, siyam ang ibinasura, habang dalawa ang binawi.
Batay pa sa datos ng OCA, sa siyam na aplikasyon mula sa Antipolo, apat ang inaprubahan, apat din ang ibinasura, habang isa ang pending.
Dagdag pa nito, lumalabas umano na ang 44 na search warrants mula sa Manila RTC at ang apat na inihain sa Antipolo ay sabay-sabay umanong isinilbi noong March 7 na ayon sa kanila ay siyang dahilan ng pagkamatay ng siyam na indibidwal at pagkakaaresto ng anim na iba pa.
Iginiit naman ni Court Administrator Midas Marquez na magkaiba ang pag-iisyu ng korte ng search warrant sa pagsisilbi ng law enforcers sa mga ito. Dagdag pa ni Marquez na maaaring kwestyunin ng mga partidong naagrabyado ang pag-iisyu ng search bilang judicial in nature. – Kenneth Paciente