Dumating na sa Davao Region nitong Sabado ng umaga (Mayo 1) ang 44,400 doses ng Sinovac COVID-19 vaccine na nakatakda pa ring gamitin sa Priority Group A1.
Ayon kay Yasmin Avila, Health Education and Promotion Officer ng Department of Health Region 11, ang mga bakuna ay gagamitin bilang ikalawang dose sa mga nauna nang naturukan.
“Yung number of boxes na dumating ay nasa 28. Ang isang kahon may lamang 1,600 doses. Now, as to para kanino ito ibibigay, intended ito to cover first and second dose para sa remaining A1 natin na di pa nababakunahan,” paglilinaw ni Avila.
Nasa 61,529 na mga indibidwal sa ilalim ng Priority Group A1 ang nabakunahan na sa rehiyon. Mahigit kalahati na ang bilang na ito sa target na nasa 84,692.
“Ang phasing ng ating pagbibigay bakuna, ang interval ng kung kailan magbibigay ng second dose, ay depende sa bakunang ibibigay at sa bilang ng days of interval. Very fluid ang ating datos dahil on-going pa rin yung vaccination,” ani Avila.
Isang ceremonial symbolic vaccination naman ang isinagawa sa 10 manggagawa ngayong araw. Ito’y bilang pagkikila sa sakripisyo at kontribusyon nila ngayong may pandemya.
Panoorin ang ulat ni Clodet Loreto ng PTV Davao:
Samantala, nagsimula na ang ikalawang yugto ng pagbabakuna ng CoronaVac sa mga health workers at frontliners sa San Jose, Camarines Sur.
Partikular na babakunahan ang mga nauna nang nakalista ngunit hindi pa nabakunahan dahil sa kakulangan sa supply ng vaccine.
Ang pagbabakuna ay ginawa sa proposed infirmary na inihanda ng pamahalaan ng San Jose. Ito’y kumpleto na sa kinakailangang mga kagamitan.
Patuloy pa rin ang paglilista ng iba pang benepisyaryo para sa susunod pang pagbabakuna. – Ulat nina Clodet Loreto/PTV Davao, Ronnie Hufancia/Radyo Pilipinas/AG-jlo
Panoorin ang ulat ni Ronnie Hufancia ng Radyo Pilipinas: