Muling nanindigan ang Department of Health (DOH) na katanggap-tanggap at ligtas ang bakunang Sputnik V para sa mga makakatanggap nito rito sa bansa.
Ito ay kasunod na rin ng hindi pamimigay ng Brazil ng emergency use authorization (EUA) sa bakunang gawa sa Russia matapos umano itong makitaan ng problema.
Sa Laging Handa Public Briefing nitong Sabado, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na napag-aralan na ang bisa nito bago mabigyan ng EUA ng Food and Drug Administration (FDA).
Dagdag niya na sakali man makitaan ng anumang problema ang bakuna, may responsibilidad ang manufacturers nito na sabihin ito sa bansa.
“Sa ngayon po, wala pa naman ho tayong natatanggap na ganito, at saka iyang ipinalabas po diyan sa Brazil, dito po is based on their evaluation and these are just initial conclusions,” paliwanag ni Vergeire.
Siniguro naman nito na handa ang bansa para sa reevaluation ng EUA ng Sputnik V kung kailangan.
Binigyang-diin din ng opisyal na tuloy ang pagbakuna gamit ang Sputnik V na dumating sa bansa ngayong araw.
Samantala, muli namang nagpaliwanag ang DOH sa pagpapalawig ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa National Capital Region Plus area sa loob ng dalawang linggo.
“Ang major objective really is for us to decongest our hospitals, at magagawa po lang natin iyan kung bababa po iyong mga kaso pa natin, because we would like to still decrease mobility during this MECQ for two weeks,” ani Vergeire.
“Gusto ho natin palakasin pa iyong ating health system capacity, makapagdagdag pa ng additional beds, makapag-decongest ng ospital, at mas maiayos po natin ang sitwasyon dito po sa ating mga lugar,” dagdag niya. – Ulat ni Ryan Lesigues/AG-jlo
Panoorin ang buong panayam kay DOH USec. Vergeire: