Binigyan ng pagkilala ni Pangulong Duterte, bilang pagsaludo sa kabayanihan at hindi matatawarang serbisyo, ang piloto ng Philippine Air Force (PAF) na nasawi matapos bumagsak ang kanilang military chopper sa Bohol noong nakaraang linggo.
Naihatid na sa huling hantungan ang labi ni Captain Aurelios Olano sa kanyang probinsya sa Bohol. Iginawad ni Pangulong Duterte kay Olano ang pinakamataas na pagkilala sa Order of Lapulapu, Rank of Kalasag. Pinangunahan ito ng ilang mga matataas na opisyal ng PAF.
Samantala, nakaligtas naman ang tatlong kasamahan ni Olano mula sa bumagsak na helicopter at nagpapagaling na sila. Nakatakda rin silang parangalan ng PAF habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa dahilan ng pagbasak ng helicopter.
Nilinaw din ni PAF Commander of Air Mobility Command Major General Simeon Felix na hindi nakaabala si Senator Bong Go sa pagresponde ng air force sa mga biktima sa nangyaring chopper crash.
Aniya, bago pa man nakarating ang mga biktima sa Mactan, nalapatan na ang mga ito ng emergency medical attention sa Bohol, at karagdagang treatment na lamang ang gagawin noong oras na iyon.
Ulat ni John Aroa/NGS-jlo