Unti-unti nang nakikita ang senyales ng pagbawi ng ekonomiya ng bansa matapos madagdagan ang bilang ng mga may trabaho.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ang unemployment rate noong buwan ng Marso sa 7.1% mula sa 8.8% noong Pebrero.
Nitong Marso, ang bilang ng mga walang trabaho ay nasa 3.44 milyong indibidwal, o mas mababa ng 747,000 kumpara sa bilang noong Pebrero.
Ang bilang naman ng mga may trabaho ay umangat sa 45.33 milyong indibidwal, matapos magkaroon ng pagkakakitaan ang karagdagang 2.8 milyong tao.
Kinilala naman ng Malakanyang ang pagbaba ng unemployment rate matapos maitala noong Abril ng nakaraang taon ang higit sa pitong milyong Pilipinong walang trabaho.
“Ayon sa PSA, this is the lowest reported rate covering the period of 2020… Tuloy lang po ang pag-iingat natin sa ating buhay, para po tayo ay makapag-hanapbuhay,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ipinaliwanag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang pagbaba ng unemployment rate ay dulot ng muling pagdami ng mga sumasali sa labor force.
Ibig sabihin, nanumbalik ang kanilang tiwala na magtrabaho at magsimula ng negosyo dahil sa inaasahang pagbangon ng ekonomiya.
Target ng pamahalaan na magkaroon ng dekalidad at disenteng trabaho ang mga Pilipino, at makamit ang 5% unemployment rate.
Ito ang itinakdang lebel ng International Labor Organization (ILO) na nagpapahiwatig na may full employment na ang ekonomiya ng isang bansa.
Underemployment
May kataasan pa rin ang underemployment rate ng bansa sa loob ng Marso na nasa 16.2%, o bahagyang bumaba mula sa 18.2% noong Pebrero.
Ibig sabihin, nasa 7.34 milyong katao ang may trabahong hindi akma sa kanilang kakayanan, at ang kanilang kita ay hindi sapat sa kanilang pangangailangan.
Ipinaliwanag ng DOLE na ito ay dahil marami pa ring mga kumpanya na nasa ilalim ng temporary closure at flexible work arrangement.
Nananatili naming agresibo ang pagbabakuna ng pamahalaan upang manumbalik ang kumpiyansa ng mga kumpanya na palawakin ang kanilang operasyon. – Ulat ni Naomi Tiburcio/AG-jlo
Panoorin ang ulat ni Naomi Tiburcio: