Nagkasundo na ang Department of Agriculture (DA), economic team, at Senate Committee of the Whole na amyendahan ang Executive Order (EO) No. 128 na nagpapababa ng taripa ng imported na baboy.
Mula sa kasalukuyang 5%, itinaas sa 10% ang taripa sa imported na baboy na pasok sa minimum access volume (MAV). Babaguhin rin ang dami ng iaangkat na baboy, mula 404,000 metric tons sa 254,210 metric tons.
Papatawan naman ng 20% na taripa kung sakaling lumagpas sa itinakdang MAV ang ipapasok na imported na baboy.
Ayon kay Senate President Tito Sotto, layon nitong isalba ang local hog industry na posibleng mamatay dahil sa laman ng EO No. 128.
“It was a win-win arrangement for everyone na, of course, ‘yung gusto natin na pababain ang presyo ng almost what is possible doon sa lower tariff, ay ‘yung minimum level ay nandoon,” tugon ni Agriculture Secretary William Dar.
Kasalukuyang nasa National Economic and Development Authority (NEDA) ang rekomendasyong amyendahan ang EO No. 128 na nakatakdang ipasa sa Pangulo.
Sinabi ng mga meat importers at traders na wala na raw silang magagawa kung hindi sumunod. Iginiit nilang maaaring sumipa muli ang presyo ng baboy sa merkado.
“Ngayong pagtaas uli ng 5%, siguro P315 to P320 – baka riyan po babagsak ang SRP [suggested retail price],” ani Jess Cham, presidente ng Meat Importers and Traders Association.
Isinagot naman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na walang dahilan para tumaas ang presyo ng imported pork, lalo na’t wala pa sa P200 ang puhunan ng mga importer.
“Dapat ‘yung suggested retail price ng importer ay gawing P200, para at least pumunta sa consumer ‘yung nawala na taripa,” mungkahi ni SINAG President Rosendo So.
Kaugnay nito, naghain ang SINAG ng reklamo sa Ombudsman laban kay Dar, dahil sa diumano’y patuloy na pag-aangkat ng baboy sa kabila ng kawalan ng first border inspection na paglabag sa Food Safety Act.
Tumangging magkomento si Dar, pero iginiit niya na ginagawa nila ang lahat para matiyak na may ligtas at sapat na supply ng pagkain sa bansa. – Ulat ni Cleizl Pardilla/AG-jlo
Panoorin ang ulat ni Cleizl Pardilla: