Nagpaalala ang gobyerno na hanggang bukas (Mayo 15) na lamang ang pagkuha ng enhanced community quarantine (ECQ) ayuda kasabay ng itinakdang deadline dito.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), ito’y sa kabila na rin ng paulit-ulit na paalala sa ilang benepisyaryo na kunin ang kanilang ayuda.
Sa ilalim ng isang memorandum circular, ang mga ayudang hindi naipamahagi ay maaaring ibigay sa ibang kwalipikadong benepisyaryo sa loob ng 10 araw matapos ang deadline.
“Some of the beneficiaries may have gone home to the provinces or may have moved outside of NCR Plus for whatever reason. But just the same, they have until tomorrow to claim their ayuda, otherwise they would be deemed to have waived their emergency subsidy,” ani DILG Undersecretary Jonathan Malaya.
Sa kabuuan, 28 na lokal na pamahalaan na ang nakatapos sa distribusyon ng ayuda bago ang deadline.
Nitong Huwebes, 90% na o P20.5 bilyon ng kabuuang P22.9 bilyong ayuda ang naipamahagi. – Ulat ni Patrick de Jesus/AG-jlo