By Christine Fabro
Programang ‘Sa Bakuna Nagkaisa Campaign’ ng Philippine Medical Association (PMA), layuning makatulong sa kampanya ng pamahalaan sa pagbabakuna ng mga Pilipino upang masugpo ang pandemyang COVID-19.
Inilunsad ng PMA at Confederation of Professionals in Health Association (COPHA), kasama ang iba pang mga health care frontliners na kinabibilangan ng medical technologists, pharmacists, at radiologists, ang kampanyang ito upang maiwasan ang mahahabang pila sa mga vaccination site.
Sa isang panayam kay PMA President Dr. Benito Atienza sa Laging Handa public briefing nitong Sabado (Mayo 29), sinabi nito na magandang makita ng publiko ang pakikipagtulungan ng mga propesyonal sa larangan ng medisina upang maibsan din ang pag-aalinlangan ng mga kababayang Pilipino.
“Nagkaroon din kami dito ng panunumpa na tutulong kami hanggang sa pagpapalaganap ng kahalagahan ng bakuna, pagbabakuna at pag-mo-monitor sa mga nabakunahan,” saad ni Atienza.
Kaugnay ng kasalukuyang vaccination program sa bansa, giit ni Atienza na marami pang kailangang ayusin sa sistema ng pagbabakuna.
Isa rin aniyang suliranin sa ngayon ang kakulangan sa suplay ng bakuna sa ibang mga lugar, at ang ilang vaccination sites naman ay nakitaan aniya ng kakulangan sa mga nagbabakuna.
Pinaalalahanan naman ni Atienza ang publiko na maiging mag-ingat pa rin kahit nabakunahan na, dahil may posibilidad pa rin na makakuha ng sakit na COVID-19, katulad ng mga kaso sa ibang bansa. –rir
Panoorin ang video report dito: