Inaasahang sunod-sunod na ang pagdating sa bansa ng bultong supply ng bakuna kontra COVID-19 simula bukas (Hunyo 6).
Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., kasado na ang mga hakbang para rito. Ininspeksyon na rin aniya ng Philippine Embassy sa Beijing ang unang batch na darating.
“Ngayong Sunday, mayroon po tayong darating na isang milyong [doses] from Sinovac. Then June 10, darating po ang Pfizer na… 2,280,000 doses,” sabi ni Galvez sa isang panayam ngayong araw.
“Darating din po ‘yung second tranche from 4.5 million order sa Sinovac, and mayroon din po tayong darating na AstraZeneca from COVAX na 2,028,000,” dagdag niya.
Kasabay ng pagdami ng supply, tuloy-tuloy na rin aniya ang pagpapalawak ng gobyerno sa mga sektor na binabakunahan sa bansa. Sa Lunes inaasahang sisimulan ang pagbabakuna sa Priority Group A4 o mga essential workers.
“Sa aming desisyon po sa IATF, ang ating i-o-open sa A4 ‘yung tinatawag na 40 years-old to 59 years-old… Ayon sa pag-aaral ng mga dalubhasa, ‘yung mga older people po ang tinatamaan po at nagkakaroon ng severe at critical cases,” ani Galvez.
“Ang nakikita po nating target talaga, by November 27, lalong lalo na sa NCR Plus 8 makuha na po natin ‘yung tinatawag na population protection,” dagdag niya.
Sa Laging Handa public briefing nitong Sabado, inihayag naman ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na darating sa July at August ang 1.17 milyong doses ng AstraZeneca na binili ng pribadong sektor at lokal na pamahalaan.
Ang mga bakunang Novavax at Covaxin ay maaari ring dumating sa bansa sa third quarter.
“Itong Moderna, 25% of the order of the private sector ay baka mag-uumpisa dito sa July… So iyong pinakabulto ng mga orders ng private sector darating mula July onward na iyan, marami na iyan,” ani Concepcion. – Report from Mela Lesmoras/AG-jlo-rir
