Mga maling akala tungkol sa pagbabakuna

By Jasmine B. Barrios

Mula pa noong pumutok ang balita tungkol sa Coronavirus Disease (COVID-19) sa Wuhan, China hanggang tuluyan na itong nakapasok sa bansa noong nakaraang taon, napakaraming haka-haka at maling impormasyon ang mabilis na kumalat sa social media. Agad naman itong itinuwid ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Health (DOH). 

Ngayong nasa kasagsagan na ng pagbabakuna laban sa COVID-19, marami na namang maling paniniwala ang lumalaganap dala ng takot o kakulangan sa kaalaman tungkol sa mga bakuna. Muli, kinalap ng DOH ang mga maling akalang ito at sinagot ng naaayon sa Siyensya at Medisina. 

Ilan lamang sa mga ito ang mga sumusunod: 

  1. MALING AKALA: Hindi natin kailangan ng bakuna laban sa COVID-19.

PAGLILINAW: Pinapakita sa kasalukuyang datos sa buong mundo na epektibo ang bakuna para maprotektahan tayo mula sa simptomatikong kaso ng COVID-19 at maiwasan ang pagka-ospital o pagkamatay. KAILANGAN NATIN ANG BAKUNA!

  1. MALING AKALA: Hindi ligtas ang bakuna laban sa COVID-19.

PAGLILINAW: Dumaan sa mga pag-aaral (Clinical Trials) at sertipikasyon (Philippine FDA Approval) ang mga bakuna upang matiyak na ligtas ang mga ito. LIGTAS ANG MGA BAKUNA!

  1. MALING AKALA: Ang mga bakuna laban sa COVID-19 ay magpapahina ng aking resistensya.

PAGLILINAW: Pinalalakas ng mga bakuna laban sa COVID-19 ang ating resistensya laban sa virus. NAKAKATULONG ITO PALAKASIN ANG ATING RESISTENSYA!

  1. MALING AKALA: Hindi ko na kailangan magpabakuna dahil maaari pa rin akong magkasakit kahit nabakunahan na.

PAGLILINAW: Kahit mayroon mang pagkakataon na mahawa ang isang tao, mas mababa na ang tsansa na ma-ospital o mamatay dahil sa karagdagang proteksyon mula sa bakuna. DAGDAG PROTEKSYON ANG PAGBABAKUNA!

  1. MALING AKALA: Nakakabaog ang mga bakuna laban sa COVID-19.

PAGLILINAW: Dumaan sa masusing pag-aaral ang bakuna para tiyakin na ligtas ito. HINDI NAKAKABAOG ANG BAKUNA. 

  1. MALING AKALA: Iniiba ng mga bakuna laban sa COVID-19 ang komposisyon ng aking DNA. 

PAGLILINAW: Hindi nag-iiba ang komposisyon ng DNA kung nabakunahan ang isang tao. Walang live virus sa bakuna at walang datos na nagsasabing nakakaapekto ito sa DNA. LIGTAS AT EPEKTIBO ANG MGA ITO!

  1. MALING AKALA: Ang mga bakuna laban sa COVID-19 ay mga peke. Pinagkakakitaan lang tayo ng mga gumagawa nito.

PAGLILINAW: Ang mga bakuna ay napatunayang nagbibigay proteksyon laban sa COVID-19. Tinitiyak ng ating gobyerno na nabibili ang mga ito sa murang halaga at nabibigay sa mga tao nang walang bayad. MAGPABAKUNA NA! LIBRE ITO! 

  1. MALING AKALA: Maaari na akong hindi magsuot ng mask at shield pag nabakunahan na.

PAGLILINAW: Kinakailangan pa ring magsuot ng mask at face shields (1) upang magbigay ng dagdag proteksyon laban sa virus/ bagong variants o di naman (2) hanggang nabakunahan na ang karamihan sa atin. PATULOY NA SUMUNOD SA HEALTH PROTOCOLS. 

  1. MALING AKALA: Hindi ko na kailangan ng bakuna dahil ako ay bata pa at malusog.

PAGLILINAW: Ang sakit na COVID-19 ay hindi namimili ng biktima. May mga naitalang kaso ng COVID-19 sa mga nakababata, pawang malusog, at aktibong mga tao. MAGPABAKUNA PARA SA DAGDAG PROTEKSYON KAHIT NA SA TINGIN MO AY MALUSOG KA!

  1. MALING AKALA: May mga gamot akong pwedeng inumin upang maiwasan ang COVID-19. Walang silbi ang mga bakuna.

PAGLILINAW: Wala pang napatunayang gamot upang maiwasan ang COVID-19. Ngunit napatunayan na epekitibo ang mga bakuna upang maprotektahan ang tao laban sa malubhang karamdaman at kamatayan. PROTEKTAHAN ANG SARILI! MAGPABAKUNA HABANG MAAGA!

  1. MALING AKALA: Sapat na ang unang turok (dose) ng bakuna. Hindi ko na kailangan ang pangalawa.

PAGLILINAW: Hindi sapat ang 1 turok (para sa mga bakuna na kinakailangan ng 2 turok) upang mabigyan ng pinakamataas na antas ng proteksyon. Kinakailangan makumpleto and 2 turok para dito. ITULOY ANG PANGALAWANG TUROK NG BAKUNA!

  1. MALING AKALA: Ang mga bakuna laban sa COVID-19 ay may lamang magnet at microchips upang ma-track ang mga nagpabakuna.

PAGLILINAW: Ang mga bakuna ay HINDI NAGLALAMAN NG MICROCHIPS O TRACKER. Dumaan ang mga bakuna sa masusing pagsisiyasat upang matiyak ang kaligtasan nito. 

  1. MALING AKALA: May sangkap na parte ng fetus ang bakuna.

PAGLILINAW: WALANG SANGKAP NA PARTE NG FETUS SA MGA BAKUNA. Ang COVID-19 vaccines ay hindi naglalaman ng mga parte ng mga fetus/sanggol sa sinapupunan. Ligtas ang mga ito at dumaan sa masusing proseso ng paggawa. 

  1. MALING AKALA: Ang mga taong nabakunahan ay mamatay makalipas ng dalawang taon.

PAGLILINAW: Ang bakuna ay NAGPAPALAKAS NG IYONG IMMUNE SYSTEM O RESISTENSYA. HINDI DAHILAN NG PAGKAMATAY  ang pagpapabakuna.

  1. MALING AKALA: Hindi epektibo ang mga bakuna laban sa COVID-19 dahil pawang minadali ito.

PAGLILINAW: Nananatiling epektibo ang mga bakuna. Dumaan ang mga ito sa mga naaayon na proseso at protocols sa paggawa ng bakuna. Kahit pawang mabilis ang paggawa nito ay sinisigurong dekalidad ang mga produktong ito. EPEKTIBO ANG MGA GINAWANG BAKUNA!

Adhikain ng pamahalaan na maabot ang 70 porsyento ng dami ng mga Pilipino upang makamit ang minimithing “population protection” bago matapos ang taon. Ang pinakamataas na vaccination rate ng bansa ay umabot na sa mahigit 230,000 kada araw at inaasahang tataas pa ito kapag nadagdagan ang mga vaccination sites na nasa halos apat na libo na ngayon. Ang pagbabakuna ay libre rin dahil sinagot ng pamahalaan ang gastos. 

Inaasahan din na mas lalong tataas ang kumpiyansa ng publiko sa pagpapabakuna dahil ang mga bakunang ginagamit ay mabisa at epektibong makapagbibigay ng dagdag na proteksyon sa sarili pati na sa mga taong nasa paligid ng vaccinee lalung-lalo na ang mga indibidwal na mas mataas ang panganib na magkaroon ng COVID-19 tulad ng mga matatanda at mga taong may comorbidities o karamdaman. Ito rin ay nakakatulong mapalakas ang resistensya laban sa nasabing sakit. 

Popular

WALANG PASOK: Class suspensions for July 18 due to inclement weather

Classes in the following areas have been suspended on Friday, July 18, due to the effects of Tropical Depression Crising and the southwest...

Palace responds to OVP statement vs. PBBM admin

Malacañang on Thursday, July 17, reaffirmed President Ferdinand R. Marcos Jr.’s willingness to support the Office of the Vice President’s (OVP) programs and his...

PH population reaches 112.7-M —PSA

By Brian Campued The official population count of the Philippines reached 112,729,484 as of July 1, 2024, the Philippine Statistics Authority (PSA) announced Thursday. The latest...

NDRRMC now on ‘red alert’ due to ‘Crising’; DSWD assures aid to affected communities

By Brian Campued In line with President Ferdinand R. Marcos Jr.’s directive for a whole-of-government approach to disaster preparedness and response, the National Disaster Risk...