By Christine Fabro
Nilinaw ng Department of Health (DOH) na ang pagpayag ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa rekomendasyong nagpapayag sa paglabas ng mga bata edad limang taong gulang pataas ay isang paraan upang mabigyang pansin ang kanilang pisikal at mental na pangangailangan sa panahon ng pandemya.
Sa isang panayam kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa Laging Handa public briefing nitong Sabado (Hulyo 10), hindi pa rin aniya nababago ang Omnibus guidelines ng IATF, kung saan hindi pa maaaring isama ang mga kabataan sa mga matataong lugar at makisalamuha sa ibang mga tao.
“Hindi pa rin po pupuwede na outside of your family bubble ang makaka-interact ninyo. So, parents have to recognize that fact na nandyan pa rin po iyong risk para sa ating mga kabataan kaya may safeguards tayo dapat,” ani Vergeire.
Paglilinaw nito, nakita sa mga pag-aaral na nakakaapekto na sa pisikal at mental na kalusugan ng mga kabataan ang nararanasang pandemya, at kaakibat na mga community quarantine nito.
“Ito po ay nairekomenda at pinayagan ng IATF, not because of mababa ang transmission sa ating bansa, ngunit kasi mayroon namang mga pag-aaral na talagang apektado na ang ating mga kabataan dahil sa pandemya at sa lockdowns,” saad ni Vergeire.
“It is already affecting their physical and mental health, and this is based on evidence already,” aniya.
Isang solusyon aniya ang nagawang rekomendasyon upang matalakay ang mga usaping kaugnay rito.
Ayon sa pinakahuling tala ng DOH noong Biyernes (Hulyo 9), umabot na sa 1,461,455 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 matapos itong madagdagan ng 5,881 na mga bagong kaso. Umabot na rin sa 25,720 ang bilang ng mga namatay dahil sa COVID-19 habang nasa 1,383,833 na ang gumaling mula rito. – rir