KWF Tema ng Buwan ng Wika: Ang maka-Pilipinong pananaw sa dekolonisasyon ng pag-iisip ng mga Pilipino

By Pearl Gumapos

Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang tema ng Buwan ng Wika (Agosto) ay pagsasadambana sa dignidad ng mga katutubong wika at sa kultura ng mga komunidad na nagmamay-ari nito.

Ang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay pakikiisa ng KWF sa 2021 Quincentennial Commemorations in the Philippines (2021 QCP) na nakatuon sa mahahalagang pangyayari sa bansa sa nakalipas na 500 taon, partikular na sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 103 na mahigpit na nagtatagubiling ang mga pagdiriwang ay nararapat na maging “Filipino-centric.”

“Ang mahabang panahon ng pagkakapailalim ng bansa sa ibat-ibáng mananakop ay may
tuwirang epekto sa kaasalang pangwika at pangkultura sa kasalukuyan,” anang KWF.

Hindi maitatanggi na laganap ang ‘stereotyping’ sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino, partikular na ang deskriminasyon sa paraan ng pananalita ng ating mga kababayang iba ang saltik ng dila kompara sa mga tagasentro.

Paulit-ulit ang tahasang pagkutya sa tono o punto sa pagsasalita ng mga taga-Visayas at Mindanao, ayon sa KWF.

Lutang na lutang maging sa pinilakang tabing ang stereotyping pagdating sa pagpilì ng mga karakter na kadalasang kasambahay o sidekick ng mga bida na ang palagiang identifying mark ay ang pagkakaroon ng tono o puntong Bisaya.

Ayon sa KWF: “Ang dekolonisasyon ay pagwawaksi ng pagtatangi o deskriminasyong pangwika at pangkultura sa bansa. Isinisigaw nito ang katotohanang ang mga karunungang-bayan at porma ng sining sa bawat sulok ng kapuluan ay karapat-dapat sa respeto, pagkilála, at tangkilik na ibinibigay ng madla sa kulturang popular.”

“Sa katunayan, kailangang maisalin sa wikang pambansa ang mga karunungang bayan upang mabigyan ng pambansang paggalang,” dagdag nila.

Nais din ng KWF na bigyang diin ang Pilipinong Identidad at halagahan ukol sa pagkakaisa, kahinahunan, at kalayaan.

Nirerekomenda rin ng KWF ang paggamit ng katutubong wika sa sistemang pangkatarungan, midya, at mga programa ukol sa paggawa at kalusugan.

Isinasaalang-alang din ang potensiyal ng teknolohiyang dihital sa pagtataguyod at preserbasyon ng mga nabanggit na wika.

Itong tema rin ay pakikiisa ng KWF sa UNESCO International Decade of Indigenous Languages na nakaangkla sa Deklarasyon ng Los Pinos na nagtataguyod ng karapatan ng mámamayáng katutubo sa malayang pagpapahayag, pagkakaroon ng akses sa edukasyon, at partisipasyon sa mga gawaing pampamayanán gámit ang katutubong wika bílang pangunahing kahingian sa pagpapanatiling buháy ng mga wikang pamana na ang karamihan ay nanganganib nang maglaho. – jlo

Popular

PBBM expects operational Metro Manila subway by 2028

By Dean Aubrey Caratiquet On the heels of an earlier event where he graced the official launch of the 50% train fare discount for senior...

Surveys won’t affect PBBM’s commitment to serve —Palace

By Brian Campued President Ferdinand R. Marcos Jr. remains unfazed and focused on working to address the needs of the Filipino people, Malacañang said, underscoring...

Palace tackles updates on upcoming PBBM SONA, issues response on timely issues

By Dean Aubrey Caratiquet At the Malacañang press briefing this Tuesday, July 15, Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro discussed...

PBBM OKs proposed P6.793-T budget for 2026 —Palace

By Brian Campued President Ferdinand R. Marcos Jr. has approved the proposed P6.793 trillion national budget for 2026, Malacañang announced Tuesday. In a press briefing, Palace...