Nangako ang Philippine National Police (PNP) na patuloy nilang tutugisin ang iba pang kasabwat ng mga dayuhang drug traffickers na nasawi sa Zambales at naaresto naman sa Bataan sa layuning supilin ang kanilang iligal na gawain sa bansa.
Inatasan ni PNP Chief Police Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar ang mga kinauukulang yunit ng pulisya na tulungan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagsasagawa ng intelligence-gathering laban sa iba pang kasamahan ni Xu Youha na kabilang sa mga nasawi sa engkuwentro sa Zambales.
Isa si Xu sa mga pinakamalaking shabu importer sa Pilipinas at miyembro ng transnational drug trafficking organization.
“I commend all the PNP personnel who took part in this biggest drug operation that resulted in the confiscation of the biggest drug haul so far this year. This only shows that despite the pandemic, your Philippine National Police has never lost its focus in the campaign against illegal drugs,” wika ni PGen Eleazar.
Nagresulta ang mga operasyon sa Zambales at Bataan ng pagkakakumpiska sa humigit kumulang 580 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng tinatayang P3.944 billion, na siyang pinakamalaki para sa taong ito.
“Marami ng sindikato ng iligal na droga ang nalansag sa nakalipas na limang taon at napakalaki na rin ang ipinagbago ng peace and order situation sa ating bansa dahil dito. Sa pagbabago ng mga istratehiya ng mga natitira pang sindikato ng droga dahil sa maigting nating kampanya, we also stepped up our strategies and part of them is the strong coordination of various government agencies that include tapping all the government intelligence resources against them with the PDEA as the lead agency,” dagdag ni Eleazar.
“Ito ang nakita ng ating mga kababayan sa matagumpay na operasyon sa Zambales at Bataan,” idiniin ng PNP Chief.
Ipinag-utos na rin ni Eleazar sa lokal na pulisya at Maritime Group na paigtingin ang pagbabantay sa mga baybayin ng bansa upang pigilan ang tangkang pagpasok ng iligal na droga. Iginiit din niya ang kahalagahan ng ugnayan ng pulis at komunidad sa kampaniya kontra iligal na droga.
Muling binigyang diin ng PNP Chief na walang tigil ang kampaniya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
“Makakakaasa ang ating taumbayan na hindi namin tatantanan ang mga natitira pang sindikato sa ating bansa hangat hindi namin tuluyang nalilinis ang iligal na droga sa ating bayan dahil ang pinag-uusapan dito ay ang kinabukasan ng mga kabataan at kapakanan ng sambayanan,” wika ni Police Gen. Eleazar.
(PNP-PIO) – bny