Nangako si Labor Secretary Silvestre Bello III na isusulong niya ang pantay-pantay na representasyon ng malalaki at maliliit na miyembrong bansa sa policy-making body ng International Labour Organization (ILO).
Sa isang pulong kasama si Swiss Ambassador Valerie Berset Bircher at G. Essah Aniefiok Etim ng Nigeria sa tanggapan ng ILO sa Geneva, tiniyak ni Bello bilang Chairman ng Government Group na isasama ng Pilipinas ang demokratisasyon ng ILO Governing Body sa priority agenda nito.
“Wala akong nakikitang dahilan upang hindi pumayag ang iba’t-ibang bansa na magkaroon ng pantay na karapatan upang magsalita at bumoto sa Governing Body ng ILO,” pahayag ni Bello kina Bircher at Etim, kung saan ang kani-kanilang mga bansa ay naitalaga na lamang bilang “observer status” sa ILO body. Ang Switzerland ay host ng maraming organisasyon sa buong mundo, ngunit nanatili itong nasa observer status lamang sa Governing Body ng ILO.
“Tinitiyak ko sa inyo na ang usaping ito ay kabilang sa mga pangunahing bagay na aming itinutulak sa aming pangangasiwa sa Government Group,” dagdag niya.
Nakipagpulong sina Bircher at Etim, co-chair ng democratization committee ng ILO sa labor chief upang ipahayag ang kanilang suporta sa kanyang chairmanship sa Philippines’ Government Group, matapos pangunahan ni Bello ang hybrid meeting ng grupo sa Geneva na dinaluhan ng mahigit 160 member-state ng Government Group noong nakaraang linggo. Sa pulong ng Government Group, umani ang Pilipinas ng papuri at mensahe ng pagbati mula sa mga member-states.
Nauna rito, ipinaalam ni ILO Director General Guy Ryder kay Bello ang mahalagang papel na gagampanan ng Government Group sa pagtitiyak na ang lahat ng pamahalaan sa buong mundo ay nagbibigay ng proteksiyong panlipunan sa kani-kanilang manggagawa.
Binigyang-pansin ni Ryder ang mga inisyatibong ginawa ng pamahalaang Pilipinas para tulungan ang mga manggagawang lubos na naapektuhan ng pandemyang COVID. Binanggit ni Bello ang isang beses na tulong-pinansiyal na DOLE Abot-Kamay ang Pagtulong (AKAP) na ibinibigay sa mga OFW na nawalan ng trabaho, ang programang emergency employment na Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers (TUPAD) para sa mga mga manggagawa sa impormal na sektor, at ang cash aid sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) para sa mga manggagawa sa pormal na sektor na nawalan ng trabaho dahil sa ipinatupad na Covid lockdown noong nakaraang taon.
Ngunit bilang pinuno ng government group ng ILO, binigyang-diin ni Ryder na may mahalagang papel si Bello sa pagpapatibay ng mga hakbangin upang matugunan ang pandaigdigang unemployment na umabot ng 125 milyon.
Sa kanyang pagbanggit sa 53 porsiyentong mangggawa sa buong mundo na hindi nakatatanggap ng proteksiyong panlipunan, hiniling din ni Ryder kay Bello na itulak ang mga pamahalaan na magbigay ng proteksiyong panlipunan sa kanilang manggagawa.
“Mula sa pansamantalang amelioration, mayroong pangangailangan para sa mas sistematiko at permanenteng proteksiyong panlipunan,” pahayag ni Ryder kay Bello.
Tinanggap ng labor chief ang mungkahi ni Ryder bilang isang mas malaking hamon sa pamumuno ng Pilipinas sa ILO government group.
Nagsimula ang pulong ng Governing Body ng ILO noong Lunes. ### – bny