Pagbabakuna sa A4 group inumpisahan na, population protection isinusulong

by Jasmine B. Barrios

Inumpisahan na ngayong linggo ang ang pagbabakuna laban sa COVID-19 ng mga frontline personnel o mga trabahador na kabilang sa pangkat ng A4.

Kasama rito ang mga uniformed personnel tulad ng mga pulis at sundalo,at ang mahahalagang economic frontliners tulad ng mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan, mga tindera, at mga empleyado sa iba’t-ibang pang-ekonomiyang sektor.

Minabuti ng pamahalaan na umpisahan ang A4 vaccination sa National Capital Region (NCR) Plus 8, o Metro Manila pati ang mga lalawigan ng Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Pampanga, Rizal, Metro Cebu, at Metro Davao.

Piniling umpisahan ang pagbabakuna ng grupong A4 sa mga naturang lugar dahil ang mga ito ay matao, kaya’t malaki ang posibilidad ng hawahan.

Nanawagan ang Department of Health (DOH) na sundin ang proseso ng pagpapauna sa pagpapabakuna ng mga may edad at may karamdaman sa mga taga-A4, dahil ang dalawang grupong ito ang mas madaling tamaan ng COVID-19.

Sinabihan din ang mga lokal na pamahalaan na ipatupad ang pre-registration, upang maagang mabigyan ng takdang araw at oras kung kailan pupunta ang mga tao sa vaccination center upang maiwasan ang siksikan. Sabay rito ang paalala sa mga health protocols na dapat sundin, lalong-lalo na ang pagpapanatili ng tamang distansiya.

Population protection, isinusulong

Kasabay ng pagbabakuna sa A4 group, patuloy din ang paghihikayat sa mga hindi pa nabakunahan sa mga taong nabibilang sa priority groups tulad ng mga nakatatanda at mga taong may iba pang sakit o comorbidities.

Mula kasi noong inumpisahan ang pinaka-unang vaccine rollout sa bansa noong Marso hanggang Mayo 8, 1.6 milyong katao pa lamang ang nabakunahan mula sa mga priority groups na A1 (healthcare frontliners), A2 (senior citizens), at A3 (people with comorbidities).
Malayo pa ito sa inaasam na population protection o 60% hanggang 70% ng populasyon upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Tinatayang nasa mahigit 100 milyon na ang dami ng mga Pilipino ngayon. Ibig sabihin, mahigit 60 hanggang 70 milyong katao ang dapat mabakunahan upang makontrol ang hawahan.
Pero higit sa numero, mas inaasam ngayon ng pamahalaan ang proteksiyon ng lahat o population protection, lalo na ang mga sektor na mas malaki ang tsansang maging malala ang kondisyon o maaaring mauwi sa kamatayan kapag nakuha ang kinakatakutang virus.

Sila ang mga taong kabilang sa mga nakatatanda (A2) at mga taong may sakit (A3). Kaya naman kahit nag-umpisa na ang vaccination para sa A4 (frontline personnel), puspusan pa rin ang paalala ng DOH, kasama ang mga lokal na pamahalaan, na magpabakuna na ang mga hindi pa nakakatanggap ng vaccine, at bumalik para sa pangalawang turok ang mga nabakunahan ng unang dose, upang masigurong epektibo ang kanilang proteksiyon sa COVID-19.

Matapos ang pangalawang turok ng vaccine dose, mga dalawang linggo ang aabutin bago makagawa ang katawan ng mga antibodies o panlaban sa COVID, at mabigyan ng proteksyon ang isang tao laban sa malalang sintomas.

Kaya ang payo ng DOH ay hindi na kailangan pang dumaan sa isang antibody test upang malaman kung umepekto ang bakuna. Sinisiguro ng pamahalaan na lahat ng inaprubahan nitong mga bakuna, anuman ang tatak o pinanggalingang bansa, ay ligtas at epektibo dahil dumaan ang mga ito sa pag-aaral ng maraming eksperto.

Ang mahalagang tandaan ay patuloy pa rin dapat ang pag-iingat at pagsunod sa mga health protocols kahit nabakunahan na, dahil may posibilidad pa ring makuha ang sakit pero di-grabeng sintomas.

At ang pinakamahalagang dapat tandaan ay kapag tumaas ang bilang ng mga nagpabakuna, lalo na sa mga sinasabing vulnerable sectors o high risk groups, mas mababawasan ang dami ng taong itatakbo sa ospital dahil grabe ang lagay o malala ang sintomas. At hindi na mapupuno ang mga emergency rooms, intensive care units, at mga kamang nakalaan para sa mga tinamaan ng COVID-19.

Kapag nangyari ito, magandang senyales ito na bumababa na rin ang healthcare utilization rate, isang basehan upang mapaluwag ang quarantine at mga paghihigpit o restrictions na dala nito. Unti-unti na ring maibabalik sa dati ang lahat, lalo na ang kabuhayan ng mga tao pati na ang mga negosyo. # – jlo

Popular

TD Bising intensifies; Wind Signal No. 1 up in extreme Northern Luzon

By Brian Campued Tropical Depression Bising slightly intensified over the sea west of extreme Northern Luzon, the state weather bureau said Friday. In its 11:00 a.m....

WALANG PASOK: Class suspensions for July 4 due to heavy rains

Classes in the following areas have been suspended on Friday, July 4, due to the impact of the southwest monsoon (habagat) and the...

PBBM to study DILG Sec. Remulla’s request to declare class suspensions

By Brian Campued Malacañang on Thursday assured Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla that President Ferdinand R. Marcos Jr. will...

WALANG PASOK: Class suspensions for July 3 due to inclement weather

Classes in the following areas have been suspended on Thursday, July 3, due to the impact of the southwest monsoon (habagat) and the...