By Leo Sarne | Radyo Pilipinas
Hinahanap na ng Philippine National Police (PNP) ang mga nasa likod ng disinformation campaign sa isinasagawang imbestigasyon nito sa mga napaulat na nawawalang sabungero.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief PGen. Roderick Augustus Alba, matapos na kumalat sa social media ang mga larawan ng mga bangkay na ipinalabas na mga labi ng nawawalang mga sabungero.
Ipinapakita sa mga larawan ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives na sinisiyasat ang mga bangkay na natagpuan umano sa Tanay, Rizal.
Nilinaw ni Alba na ang mga naturang mga larawan ay totoong kinuha sa ambush incident sa Guindulungan, Maguindanao, noong Pebrero 12, 2022, kung saan siyam ang nasawi at tatlo ang sugatan.
Kinondena ni Alba ang pagpapakalat ng naturang maling impormasyon na nakakadagdag sa pasakit ng mga pamilya ng mga nawawalang sabungero at mistulang pagtatangka na iligaw ang imbestigasyon.
Sinabi ni Alba na kasama na rin sa iimbestigahan ang nagpakalat ng maling impormasyon sa kanyang posibleng ugnayan sa mga nawawalang sabungero. (Radyo Pilipinas)
-ag