By Racquel Bayan | Radyo Pilipinas
Kinumpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte na kabilang siya sa mga Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Leaders na pinadalhan ng imbitasyon ni United States (US) President Joe Biden para sa US-ASEAN Special Summit sa ika-28 at 29 ng Marso na gaganapin sa Washington, D.C.
Ayon sa Pangulo, dinala na sa kaniya ni Philippine Ambassador to US Jose Manuel Romualdez ang imbitasyon upang makapag-usap silang mga lider.
Sa naging talumpati ni Pangulong Duterte sa inagurasyon ng Narvacan Farmers’ Market sa Ilocos Sur nitong Biyernes (March 4), nilinaw ng Pangulo na hindi siya galit sa mga Amerikano, bagkus ay ayaw lamang niya sa pagiging arogante ng mga ito.
“But ako naman, I do not hate the people. Eh may anak ako na American citizen. Asawa ko OFW lang sa Amerika. I bore a child, may isang anak kami. So wala akong rason na ano… But ah siguro narinig na ninyo many times over sa TV that I just don’t like the arrogance of the Americans,” paliwanag niya.
Hindi naman nabanggit ng Pangulo kung pauunlakan niya ang imbitasyon, o kung pisikal o virtual lamang ang gagawin niyang partisipasyon.
Samantala, sa kaparehong talumpati, sinabi niyang ipinauubaya na niya sa publiko kung sinong lider ang nais nilang iluklok sa Malacañan.
“You know in my Cabinet apat o tatlo na lang kaming Bisaya naiwan puro Ilocano na. Kaya ibigay ko na lang ito isang buwan aalis na ako sa Malacañan, mamili na kayo kung sinong Ilocano na lider ilagay ninyo doon,” ani Duterte.
Pababa na aniya siya sa pwesto at masaya naman niyang ipapasa ang pagka-pangulo sa susunod na presidente ng Pilipinas.
“Dadalawang buwan na lang, I’ll be out. I’ll be happy to transfer the power to whoever you would elect as president. Iyon lang naman ang akin,” saad niya.
Siya naman aniya ay nagawa na niya ang mga ipinangako niya noon sa mga Pilipino, tulad ng paglaban sa krimen at iligal na droga, at pagsusulong ng mga proyektong pang-imprastraktura.
“One is that I promised you law and order. Well, in the process, pati na ‘yung sa Davao na, I’m now facing a criminal charge sa International Criminal Court. Good, basta tinupad ko ‘yung trabaho, wala na akong pakialam kung ano ang mangyari sa akin… Ako na ang bahala sa kaso ko. I did it for my country,” dagdag pa niya.
Biyernes ng hapon nang pinasinayaan ang solar-powered Narvacan Farmers’s Market sa Ilocos Sur na ayon sa Pangulo ay makatutulong sa pagbuhay ng local economy sa lugar, na katatampukan ng kanilang mga produkto, at magiging daan sa pagbubukas ng mga trabaho at negosyo sa rehiyon.
“Let us also take this opportunity to recognize the indispensable role of our farmers in ensuring that the Filipino people will have food on the table. Their efforts remain an essential component in the country’s food security strategy, especially during times of great need. With this being said, I believe that those who will use this establishment—especially our farmers—will undoubtedly thrive abundantly and propel our recovery towards the new normal,” pahayag niya. (Radyo Pilipinas)
-ag