By Merry Ann Bastasa | Radyo Pilipinas
Umakyat na sa 2,386 ang bilang ng nabakunahan kontra COVID-19 sa tuloy-tuloy na vaccination rollout sa tatlong istasyon ng Light Rail Transit (LRT) 2.
Sa inilabas na datos ng Light Rail Transport Authority (LRTA) nitong March 12, lumalabas na mayorya ng mga nagpabakuna o 1,799 ang nagpaturok ng booster shots, 439 naman sa unang dose, habang 148 sa second dose.
Ngayong linggo, tuloy-tuloy pa rin ang COVID-19 vaccination rollout sa tatlong istasyon ng LRT-2 sa pakikipagtulungan sa Manila, Quezon City, at Antipolo local government.
Sa inilabas na iskedyul ng LRTA, tuwing Lunes ang bakunahan ng LRT-2 Cubao Station para sa first, second dose, at booster shots ng 18 years old pataas, mula 8:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon.
Lunes hanggang Sabado naman ang vaccine schedule sa LRT-2 Antipolo Station para rin sa primary at booster ng eligible adult population, mula 8:30 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon.
Tuwing Martes at Biyernes naman ang iskedyul ng bakunahan sa LRT-2 Recto Station.
Nauna nang sinabi ni LRTA Administrator Jeremy Regino na layon ng programa na mas mapalapit pa ang access ng publiko sa bakuna kontra COVID-19. (Radyo Pilipinas)
-ag