PR
“Ang pagtatanim ng Adlay rice ay isusulong natin sa Caraga region bilang pagkain at livelihood para sa mga magsasaka, indigenous people (IPs) at dating mga rebelde pati na rin sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) na kabilang sa ating pagsisikap na puksain ang kagutuman at matiyak ang seguridad ng pagkain sa gitna ng patuloy na pandemya.”
Ito ang bahagi ng pahayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles sa CORDS Meeting ng Caraga Region na kanyang dinaluhan “virtually” noong August 19, 2020, dahil malaki umano ang potensyal sa pag-propagate ng Adlay rice upang maging alternatibong pagkain at mapagkukunan ng kabuhayan ng mga IPs at rebel returnees sa naturang rehiyon.
“Ang Adlay rice ay mas nakapagpapalusog kaysa sa mais at brown at puting bigas. Tamang-tama sa hunger and nutrition para sa IPs sa mga upland at highland areas ng Mindanao kung saan pinakamataas ang bilang ng pagkagutom at kahirapan,” ayon pa sa Kalihim.
Itong Adlay rice aniya ay popular na sa Bukidon at ilang lugar sa Region 10, at nagiging tanyag na rin sa Region 11 bilang bahagi ng kanilang pagsisikap sa Regional Task Force Ending Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC). Kaya naisip umano ng Kalihim ng Gabinete na sa parehong paraan, gamitin rin ang Adlay rice sa Caraga region bilang paraan o hakbang upang matiyak ang seguridad ng pagkain at makalikha ng hanapbuhay para sa mga kababayan.
Katulad ng mais at bigas, ang adlai ay kabilang sa pamilyang damo na may mga mahabang tangkay na karaniwang tumutubo o lumalaki sa mga tropikal na lugar ng Silangan at Timog Asya. Kilala rin ito bilang Chinese pearl barley, o Jobs’ Tears sapagkat namumunga ito ng tear-like shape grains na naging staple food ng maraming katutubong tao. Dito sa Pilipinas, ang kadalasang makikita at mabibili sa merkado ay cracked adlay grains dahil sa mga nakagawian o kasanayan sa paggiling dito sa bansa.
Sa Power Point Presentation ng Department of Agriculture (DA) Caraga regional Office ay ipinakita dito nutritional value ng Adlay at kung paano ito inihahambing sa ilang mapagkukunan ng mga sangkap na carbohydrates.
Narito ang mga sumusunod na nutritional value ng Adlay rice: 1) Ito’y isang energy-dense at nutritionally-dense na uri ng pagkain, at perfect energy boost na naiiwan o nananatili sa katawan nang mas matagal; 2) Mahusay na mapagkukunan ng protina na nag-aambag ng 14% macronutrient distribution sa katawan; 3) Anti-diabetic dahil may mababang glycemic index rating na 35 samantalang ang glucose ay 100 kaya matitiyak nito na ligtas ang blood sugar levels sa katawan; 4) Mataas din ito sa dietary fiber na nakapagpapalusog ng healthy probiotic bacteria sa gut, nagtatanggal ng masamang kolesterol sa katawan at nagpapabagal sa pagsipsip ng glucose sa katawan; 5) Nagtataglay ito ng mataas na calcium na makatutulong sa pagpapanatili ng malusog na buto at ngipin, at napakahalaga sa nerve transmission, blood clotting at muscular function; at 6) Ito’y isang gluten-free grain na mahusay para sa mga taong may gluten-sensitivity.
“Sa impormasyong ibinahagi sa atin ng DA, itong Adlay rice umano ay maaari ding i-inter-cropping sa ibang mga pananim at hindi na kinakailangan ng water irrigation dahil kaya nitong mabuhay sa mga slope areas at kaya nitong dumepende sa rain feed lamang,” dagdag na paliwanag ng dating mambabatas mula sa Mindanao.
Ani Nograles, nakipag-ugnayan na rin ang kanyang tanggapan sa DA upang hingin ang tulong nito para sa pagpapalaganap ng Adlay rice at maglaan ng karagdagang pondo upang ipambili ng punlang binhi na ipamahagi sa mga magsasaka sa iba’t ibang lugar sa Mindanao partikular sa Caraga region.
“Bilang Chair ng Zero Hunger Task Force, labis akong nasasabik na makita kung paano maging game-changer ang Adlay sa ating laban kontra gutom at kahirapan,” pagtatapos ni Nograles.