By Fatma Jinno | Radyo Pilipinas
Nakapagtala ng anim na biktima na tinamaan ng stray bullets at iligal na paputok ang Integrated Provincial Health Office (IPHO) Sulu Provincial Hospital sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Ayon sa datos ng IPHO Sulu, apat ang tinamaan ng stray bullets, isa ang biktima ng boga, at isa ang biktima ng baby rocket.
Ang mga biktima ay mula edad na tatlo hanggang 47 taong gulang, tatlong babae at tatlong lalaki mula sa iba’t-ibang barangay sa Jolo, at isa ang mula sa Barangay Tagbak, Indanan, Sulu.
Sa anim na biktima, isa lamang ang nananatili pa rin sa Sulu Provincial Hospital o admitted na tinamaan sa bahagi ng kaniyang daliri sa paa, habang outpatient naman ang lima.
Matatandaang hindi nagkulang sa pagpapaalala sa taumbayan ang mga awtoridad at lokal na pamahalaan, at mayroong pang ordinansa na ipinatutupad upang matiyak na walang mabibiktima sa pagsalubong ng Bagong Taon, pero tila wala pa ring pakialam ang iba.
Ito ay dahil sa ngayon lamang nakapag-celebrate nang maluwag ang ibang mga residente ng Sulu.
Sa pangkalahatan, naging mapayapa at maayos naman ang pagsalubong ng Bagong Taon sa buong lalawigan. (Radyo Pilipinas)