Bumababa na ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa base sa datos ng Department of Health (DOH).
March 18 ng taong kasalukuyan nang tumuntong sa 10.4% ang kabuuang bilang ng mga naitatalang aktibong kaso sa bansa, na katumbas ng 66,567 na pasyente.
Noong ika-10 ng Abril, umabot ito sa 22.3% o 190,245 aktibong kaso. Patuloy ang pagtaas ng aktibong kaso hanggang sa umabot ito sa 22% o 203,710 noong April 17. Bumagsak ito noong April 18 sa 141,089, matapos gumaling ang 72,607 na pasyente.

Patuloy na humupa ang bilang ng aktibong kaso na tuluyan nang bumaba sa 89,485 o 9% ng mga naitatalang kaso noong April 24.
Ngayong April 28, nasa 6.6% na lamang o 67,769 ng kabuuang kaso ang nananatiling aktibo. Sa bilang na ‘yan, nasa halos 96.5% ang asymptomatic at mild cases.
Habang patuloy na bumababa ang bilang ng mga kasong naitatala sa isang araw, bumaba rin sa 1.67% o 17,031 ang bilang ng mga namamatay sa COVID-19, na umabot sa higit 2% noong kasagsagan ng surge noong Marso.

Pataas naman ang recovery rate o porsyento ng mga gumagaling sa COVID-19. Mula 83.4% noong April 19, kung kailan sinimulan ang daily time-based tagging ng recovery, umabot na ngayon sa 91.7% ang recovery rate sa bansa o 935,695 na mga indibidwal.
Batay pa sa case bulletin ng DOH, malaki na rin ang ibinaba ng occupancy rate ng intensive care units (ICU) sa Metro Manila, na sa kasalukuyan ay nasa 71%.
Bahagya na rin umanong nakahinga ang mga ospital ngayon dahil nadagdagan na ang mga kama para sa pasyente ng COVID-19. Ang paggamit ng mga kama ang isa sa mga tinitingnan ng gobyerno para malaman ang susunod na magiging quarantine classification.
“Pag tiningnan natin, may improvement naman. As we have said previously, yung seven-day moving average natin ay bumaba, although it’s still not significant,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
“ ‘Yung two week growth rate natin, marami ang bumaba na nagkaroon na sila ng negative. So comparing to the previous two weeks and the current two weeks, makikita natin may improvement at bumababa ang numero,” dagdag niya. – Ulat ni Mark Fetalco/AG-jlo