Kasunod ng pagsipa ng COVID-19 case sa hanay ng Pambansang Pulisya, ipapatupad simula ngayong araw ang mas mahigpit na health protocol sa PNP National Headquarters sa Camp Crame.
Ayon kay PNP officer-in-charge Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, epektibo ngayong araw ang modified work arrangement ng PNP.
Naabisuhan na aniya lahat ng opisina sa loob ng Camp Crame na magkaroon ng assessment upang ipatupad ang work from home para sa mga non-uniformed personnel.
Pinag-uusapan naman ng pamunuan ng PNP ang posibleng work arrangement para sa mga uniformed personnel na nangunguna sa pagpapatupad ng unified curfew hours sa Metro Manila.
Sa kasalukuyan, pumalo na sa 12,510 ang bilang ng COVID-19 cases sa hanay ng pulisya. Sa bilang na ito, 1,047 ang active cases habang nasa 34 naman ang nasawi.
Hinihintay naman ng pamunuan ng PNP ang rekomendasyon kung sususpendihin o lilimitahan lamang ang mga tatanggaping kliyente na kumukuha ng police frontline services katulad ng police clearance at iba pa.
Tuloy-tuloy namang magkakaroon ng online live streaming ng mga aktibidad ang PNP partikular ang presscon sa media ngunit lilimitahan na lamang ang personal na makakadalo rito.
Nagpositibo kasi sa COVID-19 ang isang miyembro ng PNP Press Corps matapos ma-expose kay PNP Chief Police General Debold Sinas. Dahil dito, limitado na lamang ang galaw ng media sa loob ng Camp Crame.
“I would like to also reiterate the instruction to all our personnel not only at NHQ but also to other police camps, stations and offices to strictly observe minimum health safety protocol, particularly on the wearing of face mask and face shield even inside their workplaces at all times,” sabi ni PNP OIC PLtGen. Eleazar. – Ulat ni Bea Bernardo