Inanusyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Huwebes (Abril 29) na kabilang na ang COVID-19 sa listahan ng maituturing na compensable diseases, matapos mabuo ang isang resolusyon katuwang ang Employees’ Compensation Commission (ECC).
Dahil dito, mas malaking ayudang pinansyal ang matatanggap ng isang mangagawang tatamaan ng COVID-19 kumpara sa karaniwang sakit.
“Wala nang distinction. Basta kung COVID, P30,000. Kung kakailanganin ng operasyon o ng additional hospitalization, andiyan naman ang PhilHealth,” ani DOLE Sec. Silvestre Bello III.
Batay sa board resolution ng EEC, dapat suportado ng RT-PCR test ang claim ng isang manggagawa na nagpositibo sa naturang sakit.
Kabilang sa mga benepisyaryo ay mga trabahador na pasok sa epidemiologic criteria at occupational risk, kagaya ng mga healthcare workers at contact tracing teams.
Pasok din dito ang mga empleyadong personal na nakikisalamuha sa publiko at mga gumagamot sa mga kompirmadong kaso ng COVID-19.
Kasama rin ang mga empleyadong nahawa sa mismong lugar ng trabaho o sa transportasyon habang papasok ng at pauwi galing sa trabaho.
“Ang mga benefits na makukuha po rito ay ‘yung sickness benefit, daily allowance po ‘yun, maximum ay P480 a day,” sabi ni ECC Exec. Dir. Stella Zipagan-Banawis.
“‘Pag nagkaroon naman po sila ng hospitalization ay pwede rin pong ma-reimburse ‘yung out of pocket na nagastos nila sa kanilang hospitalization,” dagdag niya.

Ang mga kailangan para sa aplikasyon ng kompensasyon ay certificate of employment galing sa employer na naglalahad din ng huling araw ng pagpasok, positibong resulta ng RT-PCR test, medical records, at application form.

Nagpasalamat naman ang Associated Labor Unions at Trade Union Congress Party (ALU-TUCP) sa hakbang na ito ng pamahalaan at iginiit na malaking tulong ito sa mga mangagawang araw-araw na humaharap sa peligrong dulot ng pandemya. – Ulat ni Kenneth Paciente/AG-jlo#
Panoorin ang buong panayam kay ECC Exec. Dir. Stella Zipagan-Banawis: