Ilang mga alkalde, umalma sa rekomendasyon ng OCTA Research Group na ilaan ang mayorya ng suplay ng COVID-19 vaccine sa National Capital Region (NCR) at mga karatig na probinsya nito.
Noong Miyerkules (Mayo 19), sinabi ni OCTA Research fellow Fr. Nicanor Austriaco O.P., na ang paglalaan ng 90% ng bakuna laban sa COVID-19 sa NCR Plus ay ang pinakamabisang paraan upang mabawasan ang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa dahil karamihan sa mga naitatalang kaso ay nagmumula sa mga lugar na ito.
Inalmahan naman ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas ang rekomendasyon na ito dahil aniya, mataas din ang kaso sa ibang lugar sa bansa kaya marapat lamang na dagdagan din ng suplay ng bakuna ang mga lugar sa labas ng NCR Plus.
Maging si Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno ay nanawagan din ng karagdagang suplay ng bakuna.
Ayon pa kay Moreno, kailangan din ng kanyang lungsod ng 5,000 doses ng bakuna kada araw para maabot ang kanilang demand at mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Kasama ang Iloilo City at Cagayan de Oro City sa limang lugar sa bansa na mataas ang growth rate base sa datos na iniulat ng OCTA Research Group nitong nakalipas na linggo. – Ulat ni Ken Bornilla / CF-rir