By Christine Fabro
Isang unified vaccination certificate ang inihahanda ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa tulong ng National Vaccine Operation Center (NVOC) at ng mga local government units (LGUs) upang maging madali ang pag-beripika ng mga nabakanuhan nang mga indibidwal sa bansa.
Ayon kay DICT Undersecretary Manny Caintic, inatasan ng NVOC ang mga LGU na magpasa na ng line list o listahan ng mga nabakunahan sa kanilang lugar hanggang Hulyo 31, na siyang magiging basehan ng DICT sa pagbibigay ng vaccine certificate sa bawat bakunadong indibidwal.
Aniya, hindi basta-bastang magagaya ang mga naturang vaccination certificate.
“Hindi siya basta-bastang mapipeke kasi it will be private key encrypted, hindi siya basta-bastang magagaya,” saad ni Caintic.
“Madali lang siyang i-verify kasi ipamimigay natin ang public key sa mga verifiers for verification system or mga ports of entry and exit,” dagdag pa nito.
Paliwanag ni Caintic, isang hakbang ng pamahalaan ang vaccination card bilang patunay na nakatala sa datos ng mga LGU at Department of Health ang lahat ng mga nabakunahan na.
“Iyong atin pong ginagawa, whole-of-government approach, iyong sistema po ng vaccine information system ay ginagawa ng DICT para kay DOH,” saad ni Caintic.
Ayon kay Caintic, kailangan ding mag-sumite ng listahan sa LGU ang mga pribadong kumpanya na nagsagawa ng sariling pagbabakuna. -rir