DOH, iginiit ang health protocols upang masugpo ang COVID-19

By Jasmine B. Barrios

Umabot na sa mahigit isang milyong katao ang tinamaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas. Kaya naman habang ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito upang labanan ang pandemya, muling nanawagan ang Department of Health (DOH) na magkaisa ang lahat upang masupil ang pagkalat ng COVID-19.

Nangyayari ang hawahan kapag nasagap ang aerosol o droplets mula sa bahing, ubo, pagsasalita, o paghinga ng taong may SARS-CoV2 virus na maaaring pumasok sa ilong, bibig o mata ng iba.

Karamihan sa mga taong may dala ng nasabing virus ay asymptomatic o walang sintomas, kung kaya’t hindi dapat ipagwalang-bahala ang mga health protocols ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Proteksyunan ang sarili laban sa COVID-19

Upang maprotektahan ang taumbayan, walang-patid na nagpapaalala ang DOH na laging magsuot ng mask at face shield, mag-sanitize ng kamay gamit ang alcohol, hand sanitizer, o sabon at tubig, dumistansya ng isang metro at limitahan ang pisikal na  interaksyon sa iba, at siguraduhin ang magandang bentilasyon at air flow ng tahanan o saanmang lugar na pupuntahan.

Kapag nagkaroon ng interaksyon sa isang taong may COVID-19, mas mabuting magpa-test para makasigurong hindi ka nahawahan.

 

Ano ang gagawin kapag nalaman na ikaw ay isang close contact?

Ikaw ay itinuturing na close contact kapag nagkaroon ka ng interaksyon sa taong may COVID-19 sa lapit na isang metro nang higit sa 15 minuto, may direktang pisikal na interaksyon sa taong probable o confirmed na may COVID-19, o may interaksyon sa taong may COVID-19 na walang suot na protective equipment.

Kapag nakumpirmang ikaw ay isang close contact, huwag mag-atubiling lumapit sa inyong Barangay Health Emergency Response Team (BHERT). Huwag nang mag-dalawang isip dahil kapag naging maagap, maiiwasan mong makahawa ng iba, lalo na ang iyong pamilya.

Ang BHERT ang siyang tutulong sa iyo upang makakuha ng COVID-19 testing at kung kinakailangan, kung saang temporary treatment and monitoring facilities (TTMF) o ospital ka dadalhin.

Ang pinakamainam na test na maaaring gamitin sa iyo upang makumpirma kung nahawahan ka ng COVID-19 o hindi ay ang Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR). Kapag ikaw ay nagmula sa isang lugar kung saan tukoy itong may mataas na kaso ng COVID-19 pero kulang ang RT-PCR, ang antigen test naman ay maaaring gamitin.

 

Ano ang dapat gawin ng isang close contact na nag-negatibo at asymptomatic sa COVID?

Kapag alam mong ikaw ay isang close contact, mas maiging i-quarantine agad ang sarili para siguradong hindi makahawa.

Ang mga close contact na negatibo sa COVID-19 ay kinakailangan pa ring tapusin ang 14 days ng quarantine at matapos ito nang walang namuong sintomas.

Kapag nagpositibo naman sa COVID-19 ngunit walang lumalabas na sintomas o asymptomatic, kailangang mag-isolate sa bahay o TTMF ng hindi bababa sa sampung (10) araw mula sa paglabas ng positibong resulta.

Mabibigyan ka ng clearance kapag nanatiling walang sintomas sa loob ng sampung (10) araw mula sa araw ng pagtest at hindi na kailangan pang mag-retest.

 

Ano ang dapat gawin ng may mild o moderate at severe symptoms?

I-monitor at obserbahan ang sarili para sa mga posibleng sintomas ng COVID-19 tulad ng masakit na lalamunan (sore throat), pag-ubo (dry cough), sipon, lagnat, pagkawala ng panlasa at pang-amoy, panghihina, at pagtatae.

Kung ikaw ay nakakaranas ng mild o di-grabeng sintomas, kailangang mag-isolate sa bahay o TTMF ng hindi kukulang sa sampung (10) araw mula sa paglabas ng positibong resulta. Mabibigyan ka ng clearance kapag nanatiling walang sintomas at clinically recovered ka na sa nakaraang tatlong (3) araw sa loob. Hindi mo na kailangan pang mag-retest.

Malalaman na seryoso na ang inyong kondisyon kapag nakararanas ng sintomas tulad ng:

(1.)  Hirap sa paghinga kahit nakaupo

(2.)  May ubo, lagnat, at humihirap ang paghinga

(3.)  Pagkalito o biglaang pagbabago ng kalagayan ng pag-iisip

(4.)  Pagsakit ng dibdib

(5.)  Mababang oxygen level

(6.)  Matinding pag-antok o hindi magising

(7.)  Kulay bughaw o pangingitim ng mukha o labi

Kapag nararanasan na ang mga moderate o severe o iba pang nakababahalang sintomas, tumawag agad sa inyong BHERT para mai-refer sa ospital.

Kapag medyo grabe o moderate, at severe o critical naman ang sintomas, hindi bababa sa dalawampu’t isang (21) araw mula sa unang pagkakaroon ng sintomas ang pag-isolate. Mabibigyan ka ng clearance kapag nanatiling walang sintomas at clinically recovered sa nakaraang tatlong (3) araw. Hindi na mo na rin kailangang mag-retest.

 

Kailan dapat mag-self isolate?

Kapag may mild o moderate na sintomas o kumpirmado nang ikaw ay may COVID-19 pero asymptomatic o walang sintomas, mas makabubuti nang mag-self isolate o ibukod ang sarili sa iba. Maaaring gawin ito sa pamamagitan ng pagpunta sa isang TTMF o sa bahay lamang, basta’t mayroong sariling kwarto at kung maari ay sariling banyo.

Maaari lamang mag-home isolation kung kayang manatiling mag-isa sa sariling kwarto at dumistansya sa ibang miyembro ng pamilya. Maigi kung ang silid ay may sariling banyo. Dapat din ay walang kasamang vulnerable sa bahay tulad ng mga matatanda o senior citizens, buntis, o mga taong may comorbidities o ibang sakit tulad ng diabetes, hypertension, sakit sa puso, sakit sa baga, cancer, at iba pang seryosong kondisyon.

Kapag naka-home isolation, ugaliing i-disinfect lahat ng mga bagay o surfaces na madalas mong nahahawakan, at ugaliing maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig o gumamit ng alcohol-based sanitizers.

Hangga’t maaari, ihiwalay ang sarili mula sa ibang tao sa iyong bahay. Kung kailangang lumapit sa ibang tao o lumabas ng bahay, magsuot ng mask at face shield, at panatilihin ang isang metrong distansya sa mga tao upang miawasan ang pagkalat ng virus. Paalalahanan din ang nangangalaga sa iyo na magsuot ng mask kung lalapitan ka.

Takpan ang bibig at ilong gamit ang tissue kapag umuubo o bumabahing. Itapon ang ginamit na tissue at agad maghugas ng kamay.

Huwag ipagamit sa iba ang mga personal na gamit tulad ng tuwalya, sapin ng kama, pinggan at kubyertos.

 

Paggamot sa mild o moderate symptoms

Kung may lagnat, maaaring gawin ang mga sumusunod:

(1.)  Bantayan ang temperatura kada apat na oras. Maaaring uminom ng paracetamol kung ang temperatura ay lumagpas sa 37.5 degrees Celsius, kada apat na oras.

(2.)  Maligo araw-araw kung kaya at possible.

(3.)  Siguraduhing may magandang daloy ng hangin sa kwarto.

(4.)  Huwag magdamit o magkumot ng labis-labis.

(5.)  Uminom ng maraming tubig, fresh fruit juices, at mild na tsaa.

 

Kung ikaw ay may ubo at sore throat, maaaring gawin ang sumusunod:

(1.)  Siguraduhing inumin ang niresetang gamut.

(2.)  Uminom ng maraming tubig.

(3.)  Umiwas sa mga bagay na maaaring magpalala sa iyong sintomas tulad ng alikabok, pollen, pabango, at balahibo ng hayop.

 

Walang COVID? Mabuti!

Kung wala kang sintomas ng COVID, mabuti! Dahil ibig sabihin nito’y sumusunod ka sa tamang health protocol na inilatag ng pamahalaan para sa sarili mong seguridad, pati ng iyong pamilya laban sa nakamamatay na sakit na ito.

Isang magandang senyales din ito na malakas ang iyong pangangatawan at isipan. Palakasin pa lalo ang iyong resistensya laban sa anumang sakit sa mga sumusunod na paraan:

(1.)  Kumain ng masusutansyang pagkain tulad ng gulay, prutas, isda, at karne.

(2.)  Mag-ehersiyo sa loob ng bahay 30 minutes kada araw.

(3.)  Magkaroon ng sapat na tulog.

(4.)  Mag-practice ng self-care. Ang simpleng pagre-relax o pakikipag-usap sa iyong mahal sa buhay ay isang uri ng self-care.

Ang malakas at malusog na bayan ay malaki ang dulot na kagaanan sa pamilya, pamahalaan, at lalo na sa mga bayaning health frontliners na malaki ang pagod sa pakikibaka sa COVID-19. Tunay ngang yaman ang kalusugan lalo na sa panahon ng pandemya, kaya lagi tayong mag-iingat. (DOH) -jlo

 

BASAHIN: https://bit.ly/3hheQBH

 

Popular

PBBM’s satisfaction rating tops other PH gov’t offices in latest survey

By Dean Aubrey Caratiquet In the latest nationwide survey conducted by Tangere on 1,500 respondents from May 8 to 9, the Office of the President...

Palace: Int’l, local watchdogs tapped to ensure ‘clean, honest’ polls

By Ruth Abbey Gita-Carlos | Philippine News Agency The government is working with international and local watchdogs to ensure “clean and honest” midterm elections on...

DBM approves allowance increase of teachers, poll workers

By Brian Campued The Department of Budget and Management (DBM) on Friday announced that it has approved a P2,000 across-the-board increase in the compensation of...

24/7 threat monitoring center launched vs. online disinformation

By Raymond Carl Dela Cruz | Philippine News Agency The inter-agency “Task Force KKK (Katotohanan, Katapatan, Katarungan) sa Halalan” launched on Friday its new threat...