Patuloy na pinaiigting ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Bicol Regional Office ang implementasyon ng pangunahing programa ng kagawaran na Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), kung saan nakinabang ang libong manggagawa sa impormal na sektor na nawalan ng trabaho.
Sa Guinobatan, Albay, mahigit P3.5 milyong sahod ang naipamahagi sa daang manggagawang nawalan ng trabaho sa ginanap na seremonya noong Set. 22-23 sa Barangay Ofrasion Pavillion.
Halos 719 benepisaryo mula sa 31 barangay ang nakatanggap ng sahod na nagkakahalaga ng P4,960 para sa 16 na araw na pagbibigay ng iba’t-ibang serbisyo sa kani-kanilang komunidad. Kasama sa mga gawaing ginampanan ay ang sanitasyon – pagdidisimpekta at paglilinis ng pampublikong lugar at pasilidad.
Lubos na nasiyahan ang mga benepisaryo matapos tanggapin ang tulong-pinansiyal mula sa labor department.
“Nagpapasalamat po ako sa tulong ng ating gobyerno na mula pa noong nagkaroon ng pandemic, mahirap po talaga na wala akong pinagkakakitaan kaya malaking tulong po na nakarating dito sa lugar namin ang TUPAD, nakatulong ito sa gastusin mula noong nawalan po ako ng trabaho. Malaking tulong po ang TUPAD sa pangangailangan ng pamilya,” pahayag ni Romeo Villocino, isa sa mga benepisaryo.
Sa isang hiwalay na seremonya sa Sipocot, Camarines Sur, namahagi ang DOLE ng sahod na ipinagkaloob sa 361 benepisaryo mula sa 11 barangay kung saan tumanggap sila ng kabuuang sahod na P1.6 milyon sa ilalim ng programang TUPAD.
Pinangunahan ni Regional Director Ma. Zenaida Angara-Campita ang seremonya ng pamamahagi ng sahod nitong Set. 15 sa pakikipagtulungan ng 1st Congressional District Office.
Tumanggap ang bawat benepisaryo mula sa Bgy. Azucena, Calabangan, Impig, Lipilip, Mangapo, Mantila, Salanda, San Isidro, San Vicente, South Villazar, at Taisan, ng kabuuang P4,650 matapos ang 15-araw na trabaho kabilang ang pag-disimpekta ng kani-kanilang barangay, paglilinis ng kanilang kapaligiran, pagkumpuni ng kanilang tahanan, parke, paaralan, at iba pang gawain na iniatas ng itinalagang opisyal. Binigyan sila ng masks, face shields, at personal protective equipment (PPE) upang maprotektahan sila mula sa COVID-19 virus.
“Magayon po na programa ang TUPAD, naka-tabang po samo na mga nawaran trabaho, dakulang bagay po na tabang sa panngasto mi sa aro-adlaw,” wika ni Mary Rose Peñaflorida, isa sa mga benepisaryo mula sa Barangay Azucena.
Ipinahayag din ni Evangeline Matos, isa pang 50-taong-gulang na benepisaryo mula sa Bgy. Impig, Sipocot, Camarines Sur ang kanyang pasasalamat matapos tanggapin ang kanyang sahod mula sa TUPAD. Aniya, “Salamat po sa DOLE-TUPAD, mabakal mi na su mga pangangaipo mi sa laog kan harong, dakula na tabang po ini.”
Sa Legazpi, Albay, pinangasiwaan ng labor department regional office noong Set. 16-17 ang paglagda sa kontrata ng 419 benepisaryo ng programang TUPAD.
Gagampanan ng mga benepisaryo mula sa Bgy. Maslog, Dapdap, Puro, Lamba, Arimbay, Bigaa, Bagong Abre, Dita, at San Joaquin ang 10-araw na trabaho kabilang ang pag-disimpekta at sanitasyon ng pampublikong pasilidad, paglilinis ng kanal, at pagpapaganda ng barangay. Bilang kapalit, ang bawat isa sa kanila ay babayaran ng kabuuang halaga na P3,100 matapos kumpletuhin ang itinakdang trabaho.
Binigyang-diin ni Campita na patuloy na nagsusumikap ang labor department upang mabigyan ng oportunidad ang mga manggagawa sa rehiyon na nangangailangan ng pansamantalang trabaho, partikular iyong nawalan ng trabaho o pangkabuhayan dulot ng pandemya. (DOLE) – jlo