Kasalukuyang pinag-aaralan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga posibleng epekto sa kita ng mga manggagawa ng panukalang pagbabago sa tax.
Bumuo ng isang technical working group ang DOLE upang magsagawa ng mga konsultasyon, pulong, mga focus group discussion at iba pang kahalintulad na aktibidad upang kumalap ng rekomendasyon at panukala mula sa mga eksperto at iba’t ibang sektor kaugnay sa ipinapanukalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act na kasalukuyang tinatalakay sa Senado.
Nitong buwan ay ipinalabas ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang Administrative Order No. 460 na bubuo sa TWG upang pangunahan ang mga konsultasyon sa iba’t ibang labor group at mga employer, at maging sa mga eksperto sa akademya at ekonomiya.
Pangungunahan ng Assistant Secretary for Employment and Policy Support ang TWG, kabilang ang mga punong opisyal ng Institute for Labor Studies (ILS), National Wages and Productivity Commission (NWPC), Bureau of Local Employment (BLE), Bureau of Labor Relations (BLR), Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC), Department Legislative Liaison Office (DLLO), Legal Service (LS), at Planning Service (PS) bilang mga miyembro.
Tatayo naman ang ILS bilang Secretariat na magiging responsable sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya at subaybayan ang takbo ng trabaho habang ang DLLO ay siyang mag-uulat ng mga kaganapan hinggil sa panukalang batas.
Ayon sa Department of Finance, ang Senate Bill No. 1409 o TRAIN ay may layuning magbigay ng benepisyo sa 99 porsiyentong Pilipino sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kanilang naiuuwing kita dahil na rin sa pagbaba ng kanilang tax at mabigyan sila ng social protection tulad ng programang cash transfer para sa mga mahihirap.
Isinasaad ng TRAIN na exempted sa unang P150,000 annual taxable income ang mga manggagawa at maging sa P82,000 tax exemption para naman sa 13th month pay at iba pang bonus.
Itinatakda rin nito ang pinakamataas na karagdagang tax exemption na P100,000 para sa mga mayroong apat na dependent. Magbibigay ito ng tinatayang P25,000 na tax-free na buwanang kita sa isang manggagawang mayroong apat na dependent. (DOLE)