May inilatag na guidelines ang Department of Health (DOH) para sa pagbibigay ng magkaibang brands ng bakuna kontra COVID-19.
Ito ang pahayag ni Food and Drug Administration (FDA) Director-General Eric Domingo sa Laging Handa public briefing ngayong Huwebes (May 6), kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kagabi kung saan ay ipinasauli niya ang natitirang doses ng bakunang Sinopharm sa China dahil wala pa itong emergency use authorization (EUA).
Nagpaturok ang Pangulo kamakailan ng bakunang Sinopharm bilang kanyang unang dose.
READ MORE: http://152.42.253.13/president-duterte-receives-first-covid-19-jab/
Ayon kay Domingo, ipinaliwanag nila sa Pangulo ang pagkakaiba ng EUA at compassionate special permit (CSP) pagkatapos ng pagbakuna sa Pangulo gamit ang Sinopharm.
Aniya, umamin naman ang Pangulo sa kanilang pagkakamali at ipinababalik ang isang libong doses ng Sinopharm sa China. Nilinaw ni Domingo na nabigyan na ng CSP ang Sinopharm noong Pebrero dahil ito ay hiningi ng Presidential Security Group (PSG) upang maprotektahan ang kalusugan ng Pangulo.
Ngunit hindi raw magagarantiya ang kaligtasan nito, lalo’t hindi dumaan sa pag-aaral ng FDA at ng mga eksperto.
Ayon naman kay Dr. Rontgene Solante ng Vaccine Expert Panel (VEP), maaaring mabakunahan si Pangulong Duterte ng Sinovac para sa kanyang second dose, lalo na’t parehong inactivated virus ang technology ng dalawang bakuna.
“’Yung second dose, pwede niyang ipahabol ang Sinopharm, but Sinopharm has to produce the data and submit it to VEP and FDA. Kung halimbawa hindi na pwede ang Sinopharm, meron namang bakuna na magkahawig sa Sinopharm na nabigyan na rin ng approval natin, ‘yung Sinovac,” aniya.
Ulat ni Mark Fetalco/NGS-jlo