Mariing kinondena ni Senator Christopher Bong Go ang nangyaring hazing na ikinamatay ng isang kadete ng Philippine Military Academy o PMA.
Sinabi ni Go na nakakalungkot isipin na ang isang mataas na institusyon na tulad ng PMA ay nagkaroon ng tulad ng pagkamatay ng kadeteng si Darwin Dormitorio ng Cagayan de Oro City dahil sa marahas na gawain ng ilan.
Ayon kay Go, marami sa mga general at mga dating general na miyembro ng gabinete ng pangulo ay graduate ng PMA kaya nakakalungkot na nagkaroon ng ganitong klase ng karahasan.
Bukas naman si Go sa Senate investigation hinggil sa pinakahuling kaso ng hazing sa PMA at managot ang dapat na managot lalo na at mayroong nagbuwis ng buhay.
Nagpahatid din ng pakikiramay si Go sa pamilya ni Dormitorio.
