Karamihan sa mga nagsipagtapos sa K-12 program ang hindi pa handang magkolehiyo, ayon sa pananaliksik ng Commission on Higher Education (CHED) at Cagayan State University (CSU).
Sa College Readiness of Filipino K-12 Graduates study, lumabas na 4,556 o 61.7% ang mga hindi pa handang pumasok sa kolehiyo sa 7,384 na mga bagong pasok sa CSU noong 2019.
Ipinakita naman ng pananaliksik na nasa 2,828 o 38.3% naman ang mga handa nang pumasok sa kolehiyo.
Ayon kay Dr. Antonio Tamayao, propesor at research team leader, sinuri nila ang kahandaan ng mga estudyante sa pamamagitan college readiness test na kanilang binuo.
“We look forward to stimulating discussions on issues related to college readiness, most specifically along enhancement of curriculum alignment, transition intervention and admission policies,” ani Tamayao.
Lumabas din sa pag-aaral na mataas ang nakuhang mga marka ng mga estudyante sa Filipino at English subjects, pero lubhang mababa ang nakuha ng mga ito sa Mathematics at Science.
Kabilang sa mga rekomendasyon ng grupo ay pagpapaigting sa mga istratehiya ng pagtuturo sa larangan ng matematika at agham, at pagbabawas sa mga extra-curricular activities.
Kailangan din anilang gumawa ng hakbang ang mga paaralang nasa senior high school program para masigurong handa ang kanilang estudyante na magkolehiyo.
Ang nasabing research ay kauna-unahang isinagawa sa buong bansa na may kaugnayan sa pagpapatupad ng K-12 program. – Ulat ni Oliver Baccay/PIA Cagayan/AG-rir