“Natupad din ang aking pangarap! Sa wakas, sa akin na ang sakahan! Nagpapasalamat ako kay Pangulong Duterte sa titulo na ito,” tuwang-tuwang sinabi ni Erelita Magsipoc matapos matanggap ang kanyang Certificate Of Landownership Award (CLOA) mula kay Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Brother John Castriciones.
Personal na ibinigay ni Brother John ang CLOA kina Erelita at Nida de Luna, isa pang magsasakang benepisyaryo, nang bisitahin niya ang mga ito sa kanilang tahanan sa Barangay Sto. Nino sa ng nasabing lungsod.
“Ito na po ang tanda ng pagmamahal ng ating pamahalaan sa ating mga magsasaka. Mahalaga po kayo. Kayo po ang aming tinitingnan na mga bayani ng ating bansa. Congratulations! Nakalaya na po kayo sa tanikala ng lupa,” sabi ni Brother John.
Sina Magsipoc at De Luna ay dalawa sa 100 agrarian reform beneficiaries (ARBs) na tumanggap ng kanilang CLOA mula sa Kalihim. Iginawad ang mga CLOA ng iba sa isang seremonya na ginanap noong Marso 20, sa Sablayan Astrodome.
Ang mga ipinamahaging lupain ay sumasakop sa 181 ektaryang lupang pang-agrikultura na matatagpuan sa Barangays Paetan, Sta. Lucia, Malisbong, Sto. Nino at Tagumpay.
Sina Magsipoc at De Luna ay mga magsasaka ng palay at mais na ang matagal na nilang pangarap ay maging pag-aari ang lupaing sinasaka nila sa loob ng ilang dekada.
“Sa pamamagitan ng lupaing ito at sa iba pang mga proyektong iginawad ngayon sa amin, tiwala ako na ang kinabukasan ng aking pamilya ay giginhawa na. Inaasahan kong mas lalaki ang aming kita sa mga darating na taon,” sabi ni Nida de Luna.
“Ang mga CLOA ay unang hakbang patungo sa mas maraming suporta mula sa pamahalaan. Hindi namin alintana kung anong mga sitwasyon ang ating kinakaharap, may pandemya man o wala, susundin namin ang pambansang layunin ng Presidente na mapagbuti ang buhay ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbuhos ng iba’t-ibang mga suportang serbisyo sa mga agrarian reform communities,” sabi ni Brother John.
Sa nasabi ring pamamahagi ng CLOA, si Brother John, kasama ang DAR Regional Director na si Marvin Bernal, ay namahagi rin ng suportang serbisyo para sa mga ARBs na nagkakahalagang ₱3.2 milyon. Kabilang sa mga ipinagkaloob ay mga trak na panghakot, corn shellers, water pumps, mga abono at binhi na ibinigay sa apat na agrarian reform beneficiaries organizations (ARBOs).
“Ang mga probisyon na ito ay lubos na makabuluhan upang makamit ang seguridad sa pagkain sa bansa. Ang mga [suportang serbisyong] ito ay makatutulong sa mga magsasaka na umani ng masagana lalo na sa panahong ito ng pandemya,” sabi ni Bernal.
Ang pagkakaloob ng CLOA at mga suportang serbisyo ay ginanap kasabay ng farmers’ summit ng DAR na may temang “Pag-anDAR ng Serbisyong may Puso para sa mga Mindorenos.”