Nagdaos ng isang interfaith prayer meeting ang Office of the Presidential Adviser for Religious Affairs (OPARA) kasama ang iba’t-ibang mga religious leaders na tumugon sa paanyaya.
Ang paanyaya ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘The Whole Nation Pray As One, Heal As One’ na naglalayong mailapit sa Diyos ang publiko bilang isang bayan ay ginanap nitong Linggo (Mayo 30), 3:00 n.h. hanggang 6:00 n.h.
Kaugnay ng panawagan ni Pangulong Duterte, ang pandemyang COVID-19 at iba pang mga isyung hinaharap ng bansa ang naging paksa sa prayer meeting.
Ayon kay Dr. Grepor “Butch” Belgica, ang Presidential Adviser for Religious Affairs, naniniwala siya na ang Diyos lamang ang may kakayahang iligtas ang lahat mula sa pandemyang kinakaharap ng sanlibutan, at siya aniya ang susi upang maibalik ang sigla ng ekonomiya at magkaroon ng kapayapaan sa buong bansa.
Ayon kay Belgica, ito ang napiling tema ng organizing council of elders ng mga religious denominations sa pangunguna ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), World Evangelical Alliance, Philippine Council of Evangelical Churches (PCEC), National Council of Churches of the Philippines, Iglesia ni Kristo, at iba pa.
Nasa sampung libong volunteers ang nakilahok sa sambayanang panalangin na ito, kasama ang local government units (LGUs), mga sektor at ahensya ng gobyerno, iba’t-ibang samahang pang-relihiyoso, anuman ang relihiyon at uri ng pananampalataya.
Nagbahagi rin ng panalangin ang Philippine Medical Association, ang militar at pulis, mga local chief executives, at sina House Speaker Lord Allan Velasco at Senate President Vicente Sotto III, bilang kinatawan ng dalawang kapulungan.
“Ito ay very consistent sa ating preamble, na as a nation regardless of ating katatayuan, regardless ng lugar natin, anumang relihiyon, anumang tribo, anumang katatayuan sa lipunan, saan mang sektor, ang hikayat po natin ay makibahagi po tayo rito,” saad ni Lighthouse Bible Baptist Church Bishop Reuben Abante.
Ikinatuwa rin naman ito ni Bishop Efraim Tendero, ang secretary-general ng World Evangelical Alliance, dahil aniya, mas napalapit ang mga Pilipino sa Panginoon at sa kanilang pananampalataya bunsod ng pandemyang COVID-19. – Ulat ni Rod Lagusad / CF-jlo
Panoorin ang PTV video rito: WATCH: The Whole Nation, PRAY AS ONE, Heal as One!