“Ang pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa huling bahagi ng 2019, base sa isinagawang survey ng Social Weather Station (SWS), ay bunga ng walang tigil na pagsisikap ng Administrasyong Duterte upang gawing mas maayos ang buhay at mas komportable para sa lahat ng mga Pilipino.”
Ito ang pahayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles nitong Lunes bilang reaksyon sa pinakahuling survey na inilabas ng SWS.
Batay sa datos, bumaba sa 7.9-milyong mga Pilipino ang walang trabaho. Mas mababa ito ng halos 4% mula sa 10 milyong walang trabaho na naitala noong Setyembre 2019. Ayon sa SWS, ito na ang pinakamababang bilang na kanilang naitala na walang trabaho sa nakalipas na labing limang taon.
“Ang ulat na ito ng SWS ay isang kumpirmasyon sa walang kapantay na tagumpay ng administrasyon para maglikha ng kabuhayan at hanapbuhay upang mapababa ang numero ng Pilipinong hindi nakakakain tatlong beses sa isang araw,” dagdag na pahayag ni Nograles na siyang Chairman ng Task Force on Zero Hunger.
Batay sa resulta ng SWS survey, sa huling quarter ng 2019, bumaba ang bilang ng mga walang trabaho mula sa 17.5% kumpara sa 21.5% noong nakaraang quarter. Itinuturing ng SWS na “jobless adults” ang mga nagbitiw mula sa kanilang trabaho, naghahanap pa lamang ng trabaho, at nawalan ng trabaho dahil sa problema sa kumpanyang kanilang pinapasukan.
“Ang apat na porsyentong kabawasan sa numero ng mga Pinoy na walang trabaho ay testamento sa tagumpay ng kasalukuyang Administrasyon para sa pangkalahatang kampanya nito upang masugpo ang kahirapan,” ayon sa Kalihim.
Ani Nograles, ang pagbaba ng bilang ng mga walang trabahong Pinoy ay nangangahulugan din na napababa ng pamahalaan ang numero ng mga nagugutom na Pilipino. Aniya, unti-unti nang nabibigyan ng buhay ang pangarap ng gobyerno na wakasan ang gutom at masiguro ang katiyakan sa supply ng pagkain sa bansa.
“Naniniwala tayo na ang paglikha ng maraming trabaho ay isang pangunahing elemento ng istratehiya upang masugpo ang kagutuman at labanan ang kahirapan, at ang malaking kabawasan na ito sa unemployment ay isang indikasyon na ang gobyerno ay nasa tamang direksyon,” paliwanag ng dating mambabatas mula sa Davao.
“Hindi kaila sa inyo na, batay na rin sa mga nakalipas na pagtatala ng mga survey institutions sa bansa, maraming mga Pilipino ang naniniwala na sa ilalim ng Administrasyong Duterte ay mas marami pang pagbabago at magagandang mangyayari sa kanilang buhay. Patunay lamang ito na ginagawa ng gobyerno ang matuwid upang gawing mas maayos at mas madali ang buhay para sa lahat – hangad natin na mabigyan ng komportableng buhay ang mga Pinoy,” dagdag pa ng opisyal ng Palasyo.
Sa kabila umano ng sunud-sunod na tagumpay ng kabuuang makinarya ng gobyerno sa usapin ng ekonomiya, pagkakakitaan, trabaho at katiyakan sa pagkain, hindi tumitigil ang administrasyong Duterte upang gawing mas mabilis ang pagkamit sa mga nakatakdang target upang tuluyan na makahulagpos ang mamamayang Pilipino sa tanikala ng kahirapan at gutom sa darating na panahon.