By Pearl Gumapos
Bilang paghahanda sa Buwan ng Wika, ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay naglabas ng isang kalendaryo ng mga aktibidad para sa buwan ng Agosto.
Ang tema ng pagdiriwang sa taong ito ay “Filipino at Mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino.”
Ayon kay Arthur Casanova, tagapangulo ng KWF, dapat bigyang pansin ang kultural na identidad ng isang Pilipino.
“Mahalagang mapagtuonan ng pansin ang kultural na identidad ng mga Pilipino hinggil sa pagkakaisa, kahinahunan, at kalayaan,” aniya.
Dagdag ni Casanova na ang tema ng buwan ay bilang pagsuporta rin sa karapatan ng mga mamamayang katutubo sa malayang pagpapahayag.
“Pagsuporta rin ito ng KWF sa UNESCO International Decade of Indigenous Languages (IDIL 2022-2032) na nakasandig sa Deklarasyon ng Los Pinos na nagtataguyod ng karapatan ng mga mamamayang katutubo sa malayang pagpapahayag, pagkakaroon ng akses sa edukasyon, at partisipasyon sa mga gawaing pampamayanan gamit ang katutubong wika bilang pangunahing kahingian sa pagpapanatiling buhay ng mga bernakular na wikang karamihan ay nanganganib nang maglaho kung hindi gagamitin at tatangkilikin,” sabi niya.
Sabi rin ni Casanova na kinakailangang mahigpit ding itinatagubilin ang paggamit ng mga katutubong wika sa sistemang pangkatarungan, edukasyon, midya, at mga programa ukol sa paggawa at kalusugan.
“Tanggalin na ang mga kaisipang kolonyal. Iwaksi na ang mga kaisipang nagpaempatso sa atin nang mahabang panahon. Isulat ang kasaysayan sa iba’t-ibang katutubong wika sa Pilipinas. Iwasto ang paglalarawan ng kultural na Pilipino,” sabi niya.
“Ilagay sa wastong perspektiba ang ating mga pag-iisip. Kailangan lumaya sa mga kaisipang kolonyal na itinanim ng mga kolonisador. Sikolohiyang Pilipino ang isulong,” dagdag ni Casanova.
Ang KWF ay magkakaroon ng serye ng mga lingguhang webinars kaugnay sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2021.
Bawat webinar ay may sariling paksa:
- Agosto 2, Wikang Katutubo: Tanghalan ng Yaman at Kalinangang Katutubo
- Agosto 9, Wikang Katutubo: Wika ng Lahi, Wika ng mga Bayani
- Agosto 16, Wikang Filipino: Bigkis ng Magkakalayong Pulo
- Agosto 23, Mga Wikang Katutubo sa Pagbubuo ng Pambansang Panitikan
- Agosto 30, Wikang Filipino at mga Katutubong Wika Tungo sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Filipino
Ang unang serye ay gaganapin sa Agosto 2 na may paksang “Wikang Katutubo: Tanghalan ng Yaman at Kalinangang Katutubo,” na ang magiging tagapanayam ay si Patrocinio V. Villafuerte, isang retiradong propesor na ginawaran ng Dangal ng Panitikan (2020) ng KWF.
Mayroon ding webinar na pinamagatang “Lagsik-Wika: Webinar sa Pagdodokumento ng Katutubong Wika.”