Tampok ang kultura ng bansa at galing ng mga Pilipinong manunulat sa inilunsad na 12 aklat ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ngayong Miyerkules (Agosto 18).
Sa isang virtual ceremony, isa-isang pinakilala ng KWF Publikasyon ang mga may likha nito, na nagbahagi rin ng mga nilalaman ng kani-kanilang akda.
“Binibigyang-diin ng mga aklat na ito ang ating kultura at wika mula po sa iba’t-ibang mga kultural na pamayanan. Nariyan po ang kwentong bayan ng mga Surigaonon, nariyan din po ang tungkol sa wika ng mga Bikolnon, at syempre, nariyan din po ang isang akda hinggil sa mga Cebuano,” ani Dr. Arthur Casanova, ang tagapangulo ng KWF.
Ang inilunsad na mga aklat ay ang mga sumusunod:
- Paglalaping Makadiwa sa Sinugbuanon’g Binisaya (Lita A. Bacalla)
- Alaala ng mga Pakpak (Mariel G. Balacuit at Eugene Y. Evasco)
- Antolohiya ng mga Kuwentong-bayan ng Surigaonon (Aisah B. Camar)
- Mga Drama para sa Dulaang Pambata
- Mga Dula para sa Teatrong Pambata (Arthur P. Casanova)
- Tawid-diwa (Dexter B. Cayanes)
- Tira Bakal (Christian M. Fajardo)
- Pananalig sa Bata (Wenny F. Fajilan)
- Mga Dula ni Njel de Mesa (Njel de Mesa)
- Mga Dula ni Severino Montano (Severino Montano; Lilia F. Antonio)
- Introduction to Bikol: A Bikol-Legazpi Language Book for Filipinos and Foreigners (Angela E. Lorenzana)
Ayon sa KWF Publikasyon, ang paglulunsad ng mga aklat na ito ay isang pamamaraan upang mapalaganap ang mga “karunungan mula sa mga dalubhasa sa wika na kabilang sa iba’t-ibang institusyong pangwika, pangkultura, at pang-edukasyon.”
Ipinagdiriwang ng bansa tuwing Agosto ang Buwan ng Wika, na ngayong taon ay may temang “Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino.” – Ulat ni Mela Lesmoras / CF – jlo
Mapapanood ang virtual ceremony ng Paglulunsad ng mga Aklat dito: