Wala nang dapat ipagamba ang mga Pinoy professional boxers at combat sports fighter para sa kanilang kalusugan sa gitna ng pakikipaglaban ng bansa sa pandemya.
Ipinahayag ni Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra kahapon na patuloy ang pagkakaloob ng libreng medical and neurological services para sa mga lisensyadong boxers, MMA, at Muay Thai fighters matapos ma-renew ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng GAB at Department of Health (DOH).
Batay sa GAB-DOH agreement, magpapatuloy ang pagkakaloob ng libreng medical examinations, eye examinations, neurological examinations, neurophysiological examinations, gayundin ang laboratory diagnostic examinations, kabilang ang CT scan at MRI para masiguro na kondisyon at nasa malusog na pangangatawan ang mga boxers at mixed martial artist bago mabigyan ng lisensya at payagang lumaban.
Nagsimula ang programa nang maitalaga ng Pangulong Duterte si Mitra na pamunuan ang ahensya na nangangasiwa sa professional sports kasama sina Commissioners Ed Trinidad at Mar Masanguid.
“Nagpapasalamat po kami sa DOH, mula kay dating Sec. Paulyn Rosell-Ubial hanggang sa kasalukuyang liderato ni Sec. Francisco Duque, dahil hindi nila kami iniiwan. Napakalaking bagay po ito para sa ating mga boxers at combat sports fighter,” sambit ni Mitra.
Bukod sa medical services na nakapalood sa programa, ipinahayag ng dating Palawan Governor at Congressman na naidagdag ang libreng hematoma screening tests matapos makabili ang GAB ng screening units.
“Commissioner Trinidad, Commissioner Masanguid, and I are very happy to announce that GAB is now ready to provide free hematoma screening tests for our professional athletes,” sambit ni Mitra.
Nitong Biyernes, sa isang simpleng seremonya, ipinakita ni Mitra kasama si Dr. Radentor Viernes, GAB Medical Section Chief, ang biniling hematoma screening units.
“Hindi na tayo magkandaugaga para ihanda ang ating mga sarili laban sa COVID-19. At lubhang masakit sa bulsa kung magbabayad pa ng medical examinations. Kaya kami po sa GAB ay umaayuda sa ating mga atleta para masiguro ang kanilang kalusugan,” pahayag ni Mitra.
Kabilang sa mga ospital na kabilang sa GAB-DOG agreement ang Batangas Medical Center, Western Visayas Medical Center, Southern Philippines Medical Center at Philippine Heart Center.
Ang matagumpay na programa sa medical requirements ng GAB ay ikinalugod ng World Boxing Council at ng buong international boxing community. Naging daan ito para ipagkaloob sa GAB ang parangal na WBC Commission of the Year nitong 2017 at ipinag-utos ni WBC President Mauricio Sulaiman sa bisa ng memorandum sa mahigit 100 miyembro at affiliated boxing organizations na gamiting ‘blueprint model’ ang programa ng GAB.