
Ipinagdiwang ni Gerald Anderson ang kaniyang 32nd birthday sa aeta community sa Zambales sa pamamagitan ng isang relief operations kahapon, March 6.
Sinuportahan ito ng Philippine Coast Guard.
Si Anderson ay miyembro ng PCG Auxiliary na may ranggong Lieutenant Commander o LCDR.
Nakasaad sa Facebook post ng Department of Transportation na kasama ang aktres na si Julia Barretto at ang World Vision Philippines sa pamamahagi ng food packs sa 300 aeta families.

Ang Lupang Pangako Resettlement area ay itinayo ng World Vision Philippines noong 1993 para magbigay tirahan sa mga aeta.
Ayon sa DOTr, nagpasalamat si Anderson sa PCG at sa World Vision sa pakikiisa sa kaniyang adhikain.
Si Anderson anila ay isa sa kanilang pinaka aktibong auxillary volunteers.
Sa katunayan sabi ng ahensya, kasama ang aktor sa distribusyon ng mga relief packs sa Isabela, Cagayan at Bicol region nang nanalasa ang bagyong Ulysses.
Humingi rin anila ng tulong si LCDR Anderson sa Coast Guard para sa konstruksyon ng quarantine tents sa mga frontline medical workers ng Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital at Sanitatium sa Caloocan City.
Dagdag pa ng DOTr, nagbigay rin ang aktor ng mga tent sa mga PCG frontliners na nangangasiwa sa quarantine facilities sa Pier 15, Port Area para sa mga umuuwing OFW. (Allan Francisco)