By Jessa Agua-Ylanan | Radyo Pilipinas Cebu
Sa Bohol na naabutan ng araw ng Pasko ang ilang linemen na na-deploy mula sa electric companies na sumaklolo sa Bohol, na lubhang naapektuhan ng bagyong Odette.
Ang augmentation teams ay ipinadala upang agarang maresolba ang teknikal na aspeto ng pagpapailaw na muli sa Bohol at ang pagbangon mula sa hagupit ng pinakamalakas na bagyo sa taong 2021.
Tutulong sa Bohol Light, Bohol Electric Cooperative o Boheco I, Boheco II, at Boheco III ang mga linemen mula sa National Capital Region (NCR), Bicol Region, at Eastern Visayas Region.
Mula sa NCR ang pribadong kumpanya ng Meralco, habang mula sa Bicol region ang Camarines Norte Electric Cooperative at Camarines Sur Electric Cooperative.
Mula naman sa Eastern Visayas ang mga linemen ng Samar Electric Cooperative o Samelco I, Samelco II, Eastern Samar Electric Cooperative (Esamelco), Leyte Electric Cooperative o Leyeco V, at Don Orestes Romualdez Electric Cooperative (Dorelco).
Karamihan sa mga tumulong na electric cooperatives ay miyembro ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association o Philreca, isang organisasyon na agarang sumasaklolo sa mga kapwa Philreca members na nasalanta ng anumang kalamidad.
Aabot pa umano ng Bagong Taon doon ang nasabing augmentation team ng linemen, na nakatakdang matapos ang deployment sa Bohol sa Enero 15. (Radyo Pilipinas) – jlo