Sinimulan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2021 upang umalalay sa mga manlalakbay na gugunitain ang Undas.
Mula Okt. 28 – Nob. 3, katuwang ang iba’t-ibang regional franchising regulatory offices (RFRO) ng LTFRB sa buong bansa, magkakaroon ng passenger assistance desk sa mga terminal ng public utility vehicles (PUV) upang agarang tumugon sa mga pangangailangan at reklamo ng mga manlalakbay.
Mas pinaigting din ang inspeksiyon sa mga terminal at PUV’s upang makasigurong ligtas, komportable, at malinis ang terminal at mga pampublikong sasakyan na bibiyahe ngayong Undas upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Istriktong ipinatutupad pa din ng LTFRB sa mga pampublikong sasakyan ang pagsunod sa minimum health safety protocols o ang tinatawag na “7 commandments” sa mga PUV kung saan dapat ginagawa ang mga sumusunod:
1) Laging magsuot ng face mask at face shield;
2) Bawal magsalita at makipag-usap sa telepono;
3) Bawal kumain sa loob ng sasakyan;
4) Laging panatilihin ang maayos at sapat na ventilation sa mga PUV;
5) Laging magsagawa ng disinfection;
6) Bawal sumakay ang mga pasaherong mayroong sintomas ng COVID-19 sa pampublikong transportasyon; at
7) Laging sundan ang panuntunan sa physical distancing.
Nagpapakalat rin ng iba’t-ibang LTFRB anti-colorum enforcement teams na nagsasagawa ng random and roadside inspection kung saan umalalay, mino-monitor, at hinuhuli ang mga PUV driver at operator na lumalabag sa mga alituntuning nakasaad sa certificate of public convenience (CPC).
Dagdag pa dito, upang mapanatili ang transparency at tiwala ng publiko sa ahensya, ang lahat ng LTFRB law enforcement personnel sa buong bansa ay magsusuot ng body cameras na tuloy-tuloy ang recording simula sa kanilang jump-off time hanggang sa kanilang pagbalik sa opisina. Ang lahat ng law enforcement operations ay maaaring makita sa official YouTube Channel ng ahensya.
Papatawan ng kaukulang parusa ang mga driver at operator na lalabag sa mga alituntunin ng ahensya at ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, kabilang na ang pagsuspinde sa CPC o provisional authority. (LTFRB) – jlo